PATAY ang mag-amang pinaniniwalaang sangkot sa mga insidente ng homicide at kidnapping, sa isang enkuwentro laban sa mga pulis sa bayan ng Teresa, lalawigan ng Rizal, noong Miyerkoles ng gabi, 16 Setyembre.
Kinilala ni PNP Anti-Kidnapping Group chief P/BGen. Jonnel Estomo ang mga napaslang na suspek na sina Rodel Cabungcal Basi at kaniyang anak na si Romar Basi.
Ani Estomo, bago ang naganap na shootout, magsisilbi ang mga operatiba ng PNP-AKG Special Operations Unit ng search warrant laban kay Rodel na nasa loob ng kaniyang bahay sa Sitio Ibabaw 2, Barangay Dulongbayan, sa naturang bayan.
Nang makalapit ang mga alagad ng batas sa bahay ng mga supek, naunang nagpaputok ng baril ang mga suspek na ginantihan ng mga pulis.
Nagtapos ang enkuwentro sa pagkamatay ng mag-amang suspek.
Nasamsam mula sa pinangyarihan ng enkuwentro ang isang shotgun, 9mm pistola, at kalibre .45 na baril.
Ayon sa sa mga awtoridad, sangkot ang mga suspek sa mga insidente ng pandurukot ng mga Indian national, pagnanakaw, gun-for-hire, at mga kaso ng murder at homicide sa lalawigan ng Rizal. (EDWIN MORENO)