NAPAKAWASTO siguro ng pagpapalaki kay Maine Mendoza at ang isang ebidensiya niyon ay ang pagsagot n’ya sa mga bumabatkos sa kanya hanggang ngayon na mga miyembro ng AlDub Nation, ang fans club ng screen loveteam nila ni Alden Richards.
Kahit nakaiinsulto at nanghuhusga na ang ilang miyembro ng AlDub, hindi sila pinagsasalitaan ng masama ni Maine. Kamakailan kasi ay may mga AlDub die-hards na parang sinumpong na naman na i-harrass si Maine dahil si Jasmin Curtis-Smith ang katambal ni Alden sa launching episode ng anthology ng GMA-7 na I Can See You.
Tweet ng isang netizen kay Maine mismo ilang araw lang ang nakalipas: “Being part of ADN was such a positive experience for me, too bad u dont see it that way. hope u find ur own happiness and light @mainedcm.”
Kinontra ito ni Maine. Direktang sagot ni Maine sa netizen: “???? Seryoso itong tanong.. saan po ito nanggaling?” Punahin n’yong may “po” pa sa tanong n’ya.
Sinundan ito ni Maine ng isa pang tweet kalakip ng sentimyentong “deserve” raw ng actress-host ang narating nito bilang kalahati ng tambalang AlDub.
Pero tanong ng netizen, Bakit mga “negative things” ang “tumatak” kay Maine?
Nilinaw ni Maine na hindi ang AlDub Nation ang tinutukoy niya sa mga ipinu-post sa social media.
“Nakita ko ito, gets ko.. na hindi. Honestly hindi ko alam kung bakit lagi kayong galit sa akin kahit hindi naman ADN ang tinutukoy ko sa mga sinusulat ko.
“Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung bakit iniisip niyo na laging patungkol sainyo yung mga sinasabi ko kasi hindi naman.”
Ang pakiusap na lang ni Maine ay huwag na sanang pairalin ang galit sa puso.
“Bakit hindi na lang tayo mamuhay ng payapa lahat? Suportahan na lang ang gustong suportahan? Kailangan lagi may panunumbat at labasan ng sama ng loob?”
Habang buhay naman siyang nagpapasalamat sa lahat na sumuporta at nagmahal sa kanya, taga-AlDub Nation man o hindi.
Diretsong proklama ni Maine: “Habambuhay akong magpapasalamat sa mga sumuporta/nagmahal at sa mga patuloy na sumusuporta at nagmamahal – ADN man o hindi.
“Nirerespeto ko yung umalis at yung mga nanatili. Pero sana doon sa mga umalis, hayaan na sana natin ang isa’t isa.
“Wag na pairalin ang ‘galit’ sa puso. Masaya ako sa buhay ko ngayon, walang halong echos. Sana kayo din.”
Kung ibang showbiz idol ang sasagot sa mga paratang ng netizens, tiyak na maanghang na pananalita ang gagamitin nila sa pagsagot sa mga may pagkamahadera at mahaderong netizens.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas