WALANG malisya at maituturing na “qualified privileged” ang kolum na isinulat ni HATAW columnist/ publisher Jerry Yap sa pagkakasangkot ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam sa pagpaslang kay Batuan, Masbate vice mayor Charlie Yuson III.
Ito ang naging basehan ni Manila Senior Assistant City Prosecutor Teresa Belinda Sollano sa inilabas niyang resolusyon na nagbasura sa kasong Libel na inihain ni Cam laban sa mamamahayag na si Yap at sa biyuda ni Yuson na si Lalaine.
Aniya sa resolusyon, “Wherefore, it is recommended that the charges against Lalaine Yuson ans Jerry S. Yap for Libel be dismissed for lack of merits.”
Sa rekomendasyon ni Sollano ng Office of the City Prosecutor ng Maynila, ibinasura ang kasong Libel dahil sa kawalan ng merito ng reklamong inihain ni Cam, laban kay Yap kaugnay sa artikulong lumabas noong 11 Oktubre 2019 na pinamagatang “Sandra Cam Itinuturo ng Pamilya ni VM Yuson.”
Sa Resolusyong nilagdaan ni Sollano noong 20 Disyembre 2019 na natanggap ng kampo ni Yap noong 15 Setyembre, nakasaad na walang ‘ill-will’ at hindi ‘in bad faith’ laban kay Cam ang pagsasapubliko ng kolum ni Yap base sa Article 354 ng Revised Penal Code.
Sinabi sa resolusyon na walang malisyosong intensiyon ang artikulo ni Yap dahil naisulat din ang panig ni Cam kaugnay sa pagpaslang kay Yuson.
Hindi napatunayan na magkasabwat si Yap at Lalaine Yuson sa paglalabas ng nasabing artikulo. (KARLA OROZCO)