KAPURI-PURI ang lakas ng loob ni JM Guzman na ipakita sa madla sa pamamagitan ng video post kamakailan sa Instagram kung ano ang ginagawa n’ya tuwing nagpa-panic attack.
Actually, parang ngayon lang n’ya inamin na may panic attack siya. ‘Di pa namin nari-research kung pareho ang panic attack at “anxiety attack.” Pero naaalala namin na one or two years ago, ipinagtapat ni Claudine Barretto na mayroon siyang ganoong karamdaman, kaya kumokonsulta na siya sa isang Psychiatrist para sa karamdamang ‘yon.
Sa pamamagitan din ng isang social media account n’ya ipinagtapat ‘yon at nilakipan pa ng litratong kasama ang kanyang doktorang Psychiatrist.
Sometime this year, si Maxene Magalona ay nagtapat din sa Instagram n’ya na may karamdaman siyang ang tawag ay Complex post-traumatic stress disorder (complex PTSD, sometimes abbreviated to c–PTSD or CPTSD). Ang kinonsulta n’yang doktor ang nagsabi sa kanya na ang pagiging bigla n’yang bayolente tuwing nakaiinom siya ang nagsabi sa kanya na ‘yon ang tawag sa kondisyon niya.
Alam na rin ng mister n’yang photographer-ramp model na si Roby Mananquil ang karamdaman n’ya at sinusuportahan nito ang pagtupad ni Maxene ng healing program na ipinayo sa kanya ng doktor.
Ang nangyayari kay JM tuwing may panic attack ay ‘di siya makahinga at namamanhid ang ulo, mukha, pati leeg. Alam n’yang resulta ‘yon ng trauma na dinanas n’ya noon (na ‘di n’ya binanggit kung anong sitwasyon ang nagdulot niyon). Nai-video n’ya ang sarili na nagpa-panic attack isang madaling araw kamakailan para ipakita kung paano n’ya nilulunasan ‘yon.
Ang isang problema sa sakit na ‘yon ay pwede palang umatake ‘yon habang tulog at bigla ka na lang magigising na hirap huminga at namamanhid ang ulo at leeg.
Nakapagpakuha siya agad sa isang kasama n’ya sa bahay ng ice cold water, tuwalya, at planggana, para mabasa n’ya ng ice cold water ang mukha, ulo, at leeg niya.
Sa video post n’ya, halos subsob siya sa isang planggana habang binabasa ang ulo ng tuwalyang inilublob sa ice cold water. Ginagawa n’ya ‘yon para magkaroon ng pakiramdam ang ulo niya.
Pahayag n’ya sa text ng video post na sa mga ganoong pagkakataon ay ‘di na siya dapat tanungin nino man kung ano ang nangyayari sa kanya dahil ‘di rin naman siya makasasagot nang maayos. Mas okey na obserbahan na lang siya at huwag pagkaguluhan.
Dahil automatic na kay JM ang pagbabasa sa ulo at leeg tuwing may panic attack, kaya may panahon siyang magdasal nang magdasal. Kailangan din n’yang isipin na 30 hanggang 40 minuto “lang” ang itatagal ng atake at siguradong malalampasan niya ‘yon. Nilinaw n’yang hindi ang kawalan ng pag-asa at pagsuko ng buhay ang iniisip n’ya tuwing may panic attack.
Hindi pa naman siguro nagkaatake sa syuting o taping n’ya si JM. Walang ganoong balita tungkol sa kanya. At parang ‘di pa rin siya nagkaatake sa isang public place.
Alam na siguro ni JM na hindi lang mga artista ang may karamdamang panic attack kundi pati na ang ilang mga tao na may ibang trabaho at estado sa buhay kaya ibinahagi n’yang ang video ng panic attack. Hindi dapat mataranta ang mga taong nasa paligid habang may nagpa-panic attack at dumugin iyon. Kung nakapagsasalita pa ang isang inaatake, dapat lang itong tanungin kung ano ang maitutulong nila sa sitwasyon.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas