CUTE ang mag-asawang Neri Naig at Chito Miranda. Nagsasagutan sila sa Instagram pero sa positibong paraan.
Isang araw, ini-announce ng dating Kapamilya talent na mag-aaral siya sa online business school ng Harvard University sa Amerika.
The next day, nag-announce naman siya sa Instagram pa rin n’ya, at ibinando naman n’yang hindi siya humihingi ng pera sa mister n’ya para ipamuhunan sa kahit alinman sa mga negosyong sinimulan niya at umaani naman ng tagumpay.
Para nga mas mapalago pa ang mga ‘yon at magabayan siya sa balak n’yang magtayo ng iba pang negosyo kaya gusto n’yang mag-aral sa correspondence school ng Harvard.
Isang araw kamakailan, ang mister n’yang lead vocabolist ng Parokya ni Edgar ang nag-post sa Instagram n’ya na bukod sa sariling pera ni Neri ang ini-invest n’ya sa mga negosyo, bale si Neri na rin ang sumusuporta sa pamilya nila ngayong wala ni isang gig siyang nagagawa dahil sa kwarantina.
Idinagdag pa nga n’yang kahit naman noong wala pang kwarantina, humina na ang kita ng banda n’ya at mas malaki na ang kita ni Neri sa mga negosyo n’yang restoran, vegetable farm, at ilan pang pinagkakakitaan.
Pero iginigiit ni Chito sa IG n’ya, in a humorous way, na may “investment” din naman siya kay Neri at siya pa rin nang masasabing “provider” ng pamilya.
Mahabang walang prenong pahayag ni Chito pagkatapos n’yang sabihing siya man ay may mga sari-saring investment na ‘di naman n’ya binanggit kung ano-ano: “Another thing I did was to ‘invest in my wife…not necessarily financially, but more of ‘yung time and support she needed for her to succeed on her own.
“Ngayon, mas malaki na sya kumita kesa sakin (even before mawala ‘yung gigs!).
“At nung tumigil ‘yung tugtugan, at least hindi ako masyado na-stress dahil aside from the fact na nakagawa ako ng mga secondary sources of income, alam ko na kaya kaming buhayin ng asawa ko sa pamamagitan ng pagbenta ng tuyo, suka, kape, at beddings — pam-bed and breakfast lang eh hahaha!
“I’m proud to say na ako pa rin ang provider. Pero mas proud ako kay Neri dahil sobrang laking tulong niya sa amin because of her online businesses.”
At idinagdag pa n’yang si Neri ang tumupad sa mga pangarap nilang mag-asawa na akala n’ya ay mauudlot dahil sa lockdown na bunsod ng pandemya.
Pagtatapat nya: “Siya ‘yung nagtuloy sa mga natigil kong mga plano…tulad ng lupa na ‘to na balak ko bilin pero na-udlot dahil sa covid. Binili nya para sa akin.
“Eto ‘yung bunga ng pagiging maingat at wais ko sa pera, at pagiging supportive na husband.
“Kumbaga sa zombie apocalypse, mas mabuti nang dalawang kayong magaling makipaglaban, kesa sa mag-isa ka lang.”
Pareho nang matindi ang sense of humor ng mag-asawa. Nakabubuti ‘yon sa kanilang pagsasama sa gitna ng tensiyon ng pandemya at kwarantina.
Lahad ni Neri sa mahaba rin n’yang post sa Instagram kamakailan: “Ayuuuuuun! Nakatanggap din ng email from Harvard. Ang sabi, ‘Welcome to Entrepreneurship Essentials! We are thrilled to have you join our community of learners.’ Wow! Thrilled daw sila! Haha! Bolero! Joke laaaang! Baka bawiin! Hihi!
“Ok na. Sobrang saya ko na, na alam ko na pasok ako. Ang next ay sakit sa bulsa tapos sakit sa brain naman! Magbabayad ka para sumakit ang ulo mo, haha! Pero di ba ginusto mo yan?”
Isa lang ang anak ng mag-asawa: isang lalaki na halos teenager na ngayon. Nasa Tagaytay ang restoran at iba pang negosyo ni Neri, at malamang ay ‘yung kay Chito na rin. Baka nga pati ang bahay nila ay doon din. Sa Tagaytay din sila ikinasal. Kaaya-ayang lugar ang Tagaytay dahil malamig, halos parang sa Baguio City ang klima, pero malapit lang sa Metro Manila.
Dapat lang na isa o dalawang anak lang magkaroon ang pamilya para may panahon at enerhiya ang mga misis para sa sarlii nilang career. Kahanga-hanga ang mag-asawang Neri at Chito. Karapat-dapat tularan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas