UNANG araw pa lang pala ng pagka-release ng Hate single ng rapper na si Michael Pacquiao, lumagpas na agad sa isang milyon ang nag-view at nag-like nito.
Siyempre, kabilang sa mga nag-view ay ‘yung mga basher na mistulang tinototoo ang titulo ng single: hate na hate nila ito. At sila ang nagsasabing kaya lang naman gusto ng maraming tao ang single ay dahil anak si Michael ni Manny Pacquiao, ang World Boxing Champ na naging senador ng bansa.
Happily, may fighting spirit si Michael sa paniniwalang may “something” siya. Talent, charm and persistence ang ibig n’yang sabihin sa “something.”
Pero gaya rin talaga siya ni Kakie Pangilinan na kaya pinapansin ay dahil sikat ang mga magulang n’yang sina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan.
Napaka-articulate sa Ingles ni Kakie. Skill ‘yon, na pwede na ring sabihing talent sa larangan ng showbiz. ‘Yon ang talent ni Boy Abunda.
Actually, recording artist din si Kakie na gaya ni Michael. Si Ely Buendia pa nga ang producer ng single n’yang YTL [young true lovers] na ini-release last year bago siya magpunta sa US para roon mag-college (bumalik siya rito sa Pilipinas noong March, bago mag-lockdown). Pero ‘di ito napansin na gaya ng pagkakagulo ng madla sa rap ni Michael.
Sa totoo lang, ang mga gaya nina Michael at Kakie ay hindi pa sikat on their own sa ngayon. Ripleksiyon lang sila sa ngayon ng mga magulang nila. At ‘di naman masama ‘yon. Suwerte nga nila ‘yon. Kumbaga, good karma nila. Maraming napakahusay ding kumanta o mag-rap (at baka nga mas mahusay pa sa kanila) pero ‘di kilala ang mga magulang kaya ‘di gaanong pinag-aaksayahan ng panahon ng madla, pati na ng mga basher.
Kung magpatuloy ang pagkagusto at paghanga sa kanila ng madla sa panahong ‘di na sikat ang mga magulang nila, at saka pa lang nila maipagmamalaking sikat sila on their own dahil sa talent at charisma nila.
Ang isang pwedeng magsabing nagtuloy-tuloy ang kasikatan kahit ‘di na gaanong pinag-uusapan ang angkan nila ay si Kris Aquino. However, sa nangyayari sa kanya sa nauudlot na pagbabalik-telebisyon sa pamamagitan ng TV5, may mga nagsususpetsang ang pagkaudlot na ‘yon ay may kinalaman sa political background ng pamilya n’ya.
Pero blocktimer ang Love Life with Kris, meaning, hindi ito produced ng TV5 mismo kaya’t posibleng may iba pang issues na nakaaapekto sa pagkaudlot ng pagpapalabas ng show n’ya roon kahit na nakapag-promo pictorial na siya para sa show.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas