NAKAGUGULANTANG ang pagtatapat ni Michael V. tungkol sa naranasan n’yang masamang trato ng mga tao matapos siyang dapuan ng Covid.
Pati nga ang pamilya n’ya ay damay din sa mga naranasan n’ya. At posibleng hanggang ngayon ay dinaranas pa rin n’ya ang ‘di kaibig-ibig na pakikitungo sa kanya kahit na ilang araw na lang ay maise-certify na magaling na siya.
Ibinahagi ni Bitoy, palayaw ni Michael V., ang mga dinanas n’ya sa pamamagitan ng video na in-upload sa kanyang YouTube channel noong Lunes, August 3.
“Ang pinakamatinding makakalaban mo pala during quarantine, e, ‘yung lungkot,” panimulang pagbabahagi niya.
Malungkot na hindi niya mahagkan at mayakap ang kanyang asawa’t mga anak na nasa kabilang kuwarto lamang.
May apat na anak siya sa non-showbiz wife niyang si Carol “Ayoi” Bunagan.
“Paano pa ‘yung severe na cases na talagang tinanggalan na ng pag-asa na makita ang mga mahal nila?” katwiran pa ni Bitoy.
Kinompirma ni Bitoy na positibo siya sa Covid-19 noong July 20, 2020.
Kinukompleto na lamang Bubble Gang star ang kanyang 14-day quarantine sa kanyang studio sa bahay.
Napakaseryosong salaysay ng mahusay na komedyante: “Nakadaragdag din sa sakit ‘yung stigma sa mga Covid patient. Para kang tinatakan ng ‘reject’ ng lipunan.
“Kahit naka-full PPE [personal protective equipment] ka, iniiwasan ka ng mga tao, kinatatakutan, pinandidirihan.
“Ang masama, ‘yung iba hinihiya o hina-harass ka pa.
“Hindi ko na lang idedetalye, pero kami mismo ng pamilya ko, naka-experience kami ng harassment.”
Umabot siya sa puntong philosophical sa pagtatapat n’ya: “Eh, wala, ganoon talaga, kaya siguro ‘yung iba, ayaw na lang ipaalam na may Covid sila, or worse, kahit may nararamdaman na, ayaw na lang nilang magpa-test.
“Kasi bukod sa siguradong gagastos ka na, dadaanan mo pa ‘yung mga ganoon.”
Sa pakiramdam n’ya ay mali ang ipinakikita at ipinararamdam ng mga tao sa kanya at sa pamilya n’ya. Pagtatapat n’ya na mistulang isang pagsusumamo: “Although siyempre, hindi tama ‘yun. Dapat maging responsable tayo.
“Hindi lamang para sa mga sarili natin, kundi para sa pamilya natin, mga kaibigan natin, at ‘yung mga tao sa paligid natin na pwedeng maapektuhan.”
Payo pa niya, “Huwag niyo na lang intindihin ang sasabihin ng iba. Ipagdasal niyo na lang sila.”
Pinaglaanan din n’ya ng panahon sa video post n’ya ang paggunita kung kanino siya posibleng nahawa. Paggunita n’ya: “Noong early July, bumiyahe kami sa Batangas. Kahit bahay-kotse-bahay lang ‘yung naging sistema namin, papunta at pabalik, siyempre ‘yun kaagad ang pumasok sa isip ko.
“Roon sa biyahe namin na ‘yon, tatlong tao lang ang medyo nakalapit sa akin, at lahat sila ngayon ay negative.”
Ipinagtapat n’yang bago siya nagka-Covid, may isang kasambahay silang dinapuan ng virus. Kuwento n’ya: “Sa apat na kasambahay namin na ipina-test din namin, isa ang nag-positive, pero asymptomatic.”
Gayunman, hindi n’ya mahusgahan na sa kasambahay nilang ‘yon siya nahawa. Inamin n’yang ‘di naman n’ya nakakasalamuha sa bahay nila ang mga kasambahay. Ang misis n’ya at mga anak ang nakakaharap ng mga kasambahay at wala ni isa man sa kanila ang nagpositibo sa covid.
Ang suspetsa ni Bitoy ay sa mga delivery sa bahay nila n’ya nasagap ang Covid.
“Ang duda ko, deliveries. Pero, FYI [for your information], lahat ng deliveries na dumarating, hindi nakakapasok dito sa studio nang hindi sina-sanitize. [Bumuo siya ng studio sa bahay nila mula noong nag-utos ng kwarantina ang gobyerno.]
“Pero dahil siguro sa sobrang excited ko na mabuo ang studio ko, palagay ko, may online deliveries akong nabuksan tapos diretso ginamit ko na agad.
“Sa sobrang atat ko, malamang hindi ko na na-sanitize ‘yung nasa loob niyong package.
“’Yun lang ang nakikita kong paraan para makasingit ‘yung virus sa loob ng katawan ko.”
Sa kabila ng lahat ng ito, ang payo ni Bitoy sa madla ay: “Kaya advice ko sa lahat ng gustong magpa-deliver, please lang, maniguro kayo.”
Ngayon ay dobleng pag-iingat na ang ginagawa nila kapag may deliveries sila.
“Una, sina-sanitize, tapos inii-sterilize ng UV light. Hindi lang ‘yung packaging, pati ‘yung laman.”
Dagdag pa ni Bitoy na tuwing may dumarating siyang deliveries, nakasuot siya ng face mask, at naghuhugas ng kamay bago at pagkatapos buksan.
“Hindi biro ang magka-COVID,” babala ni Bitoy.
“Nawalan lahat ng meaning ‘yung lahat ng gamit ko rito.
“Ni wala akong ganang mag-set up, magkalikot, mag-PS4, o kahit mag-YouTube, o mag-Netflix, wala…
“Ayoko nang gumawa ng vlog. Ang gusto ko lang, gumaling na kaagad ako para mayakap ang pamilya ko.”
Nabanggit din ni Bitoy na kumuha siya ng health certificate na nagsasabing, “kapag umabot na ako ng 14 days na walang symptoms eh, lalaya na ako.”
Saad pa niya, “At ‘yun ang pinanghahawakan ko, inspiration.
“I claim, in His name, I’m a COVID survivor.”
Wala na siyang nararamdamang sintomas nang i-shoot ang kanyang vlog. May pang-amoy na nga siya uli. At may gana at sigla na uli sa buhay kahit na paminsan-minsan ay sumasagi sa isip n’ya ang mga sitwasyong dinanas n’ya na may mga tao na nandidiri sa kanya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas