Sunday , November 17 2024

John Lloyd, Janine, Iza, sumali sa video laban sa Anti-Terror Law

TALAGANG mulat na ang showbiz celebrities sa mga nagaganap sa bansa. At sa pakiramdam nila ay parang tumatahak ang kasalukuyang administrasyon patungong diktadurya nang aprubahan ni President Rodrigo Duterte ang Anti-Terror Bill.

 

Kasama ang mga artista sa pelikula at telebisyon sa isang video protest laban sa nagbabantang diktadurya. Ang protesta ay sa anyo ng isang talumpati na parody ng diktador na si Adolf Hitler na sumakop sa Germany at sa malaking bahagi ng Europe noong Dekada 1930 at Dekada 1940.

 

Ang parody speech ay mula sa pelikulang The Great Dictator na likha ng dakilang comedian-filmmaker na si Charlie Chaplin na mula sa Great Britain. Noong 1941 ipinalabas ang pelikula sa Amerika.

 

Nangunguna si John Lloyd Cruz sa mga kilalang artistang kasali sa protest. Kanya ang mga pambungad na pangungusap ng talumpati.

 

Naglagay siya ng fake na bigote, isang trademark ni Hitler, na siyang main character na ginampanan ni Chaplin sa 1941 American satirical film.

 

“Ikinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador. Hindi iyan ang gusto ko. Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino,” bungad ni John Lloyd sa parody kay Hitler.

 

Ang talumpati ay isinalin mula sa Ingles ng manunulat-aktor na si Rody Vera.

 

May bahagi ng talumpati na marubdob na bibigkasin ng filmmaker-actor na si Joel Lamangan ang mga linyang ito: “Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop—mga taong namumuhi sa inyo—umaalipin sa inyo—hawak ang inyong leeg—nag-uutos sa inyo–kung anong dapat isipin at damhin!”

 

Ang video ay private project ng direktor na si Chuck Gutierrez na siya ring unang nagpalabas nito sa Facebook ng kampanya n’ya noong June 12 bilang bahagi ng Independence Day celebration ng Pilipinas.

 

Sa iba’t ibang bahagi ng speech ay bibigkas ng tag-iilang linya ng talumpati ang filmmakers, mga artista sa pelikula, telebisyon, at entablado, mga senador, at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

 

Noong napabalitang may ipinasang bill sa Senado na binansagang Anti-Terror Bill, na pinapaboran ni Duterte, naisip ni Direk Chuck na dagdagan ang bilang ng mga kilalang Pinoy sa video ng napakamasidhing talumpati.

 

Ikinagalak n’ya na bukod pa sa mga personalidad na pinakiusapan n’yang sumali sa video, marami ring nagboluntaryo ng kanilang partisipasyon.

 

Tinalakay sa talumpati ang kahalagahan ng makataong prinsipyo at kabutihang loob.

 

Sa isa pang bahagi ng talumpati, bibigkasin ng Kapuso actress na si Janine Gutierrez ang linyang: “Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas.”

 

Sasambitin naman ng ina n’yang si Lotlot de Leon ang linyang: “’Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat.”

 

Hinihikayat ng mga lumahok sa video na magkaisa ang lahat at ipaglaban na ang tunay na kapangyarihang nasa bawat Filipino. Gaya nga ng deklarasyon sa Preamble sa Philippine Constitution“the sovereign Filipino people.”

 

Sa huling bahagi ng The Great Dictator speech, sigaw ni Kapuso actress Jasmine Curtis Smith“Mga kababayan, sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!”

 

Inulit ang katagang “magkaisa tayo!” ng Kapamilya actresses na sina Iza Calzado at Agot Isidro, at ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro.

 

Samantala, kasali rin sa protest video ang mag-asawang Carlos Siguion-Reyna at Bibeth Orteza, ang mga senador na sina Risa Hontiveros at  Francis “Kiko” Pangilinan, pati na ang kontrobersiyal na Rappler CEO at executive editor in chief na si Maria Ressa. 

 

Ang mga sumalang sa pagtatalumpati sa pangalawang edisyon ay sina National Artist Ben Cabrera, dating  Chief Justice Lourdes Sereno, director Lav Diaz, lawyer Chel Diokno; at journalist Inday Varona.

 

Ang iba pang volunteers sa video ay si Prof. Randy David ng University of the Philippines, ang mga aktor na sina Mae PanerNanding Josef, at Bituin Escalante; dating congressman Neri Colmenares; filmmaker Baby Ruth Villarama at Chito Gascon, na chairman of the Commission of Human Rights; bar topnotcher Mae Diane Azores; lawyer Ted Te; party list Rep. Carlos Zarate; businessman Charlie Yu; congressman Kit Belmonte; economist Winnie Monsod; gender equality activist Queenmelo Esguerra; at Sister Mary John Mananzan.

 

Lahat ng sumali sa unang bersiyon ay mapapanood din sa pangalawang edisyon at kabilang sa unang batch sina Joanna Ampil, Bart Guingona, Sue Prado, Ria Atayde, Melvin Lee, Noel Escondo, Jun Sabayton Jr., Rhenwelyn Gabalonzo, Tad Tadioan, Ian Segarra, Guelan Luarca, Marco Viaña, Chynna Ortaleza, Meann Espinosa, Adrienne Vergara, Qiel Quiwa, Missy Maramara, Gabe Mercado, Julia Enriquez, Vance Larena, Kean Cipriano, Toni Go, Steven Conde, Joel Saracho, at Ketchup Eusebio.

 

Ang video ay black and white. Halos anim na minuto lang ang haba nito.

 

May hashtags na #JunkTerrorLaw at UnitedForDemocracy ang video.

 

Narito ang kabuuan ng The Great Dictator Speech (published as is):

 

Kinalulungkot ko, pero ayoko maging diktador.

 

Hindi iyan ang gusto ko.

 

Ayokong mamuno o manakop ng kahit sino. Gusto kong tulungan ang bawa’t isa, kung kailangan. Gusto nating tulungan ang isa’t isa, pagka’t ganoon ang tao. Gusto nating mabuhay sa ligaya ng bawa’t isa, hindi sa pagdurusa ng iba.

 

Ayaw nating kapootan o kamuhian ang sinuman at may lugar ang daigdig para sa lahat, at sagana ang butihing mundo at kaya nitong maglaan para sa lahat.

 

Ang buhay ay maaaring maging malaya at maganda, pero tayo’y naligaw ng landas.

 

Kasakiman ang naglason sa kaluluwa ng mga tao, binakuran nito ng poot ang daigdig, at pinagmartsa tayo patungo sa pagdurusa’t pagdanak ng dugo.

 

Napabilis natin ang lahat, pero ikinulong natin ang mga sarili

Ang makinaryang nagdulot ng kasaganaa’y iniwan tayong laging nagangailangan.

 

Sa karunungan natin, wala na tayong pinaniniwalaan.

Sa katalinuhan natin, tayo’y naging walang-awa’t malupit .

Labis tayong mag-isip, na halos nawala na ang ating damdamin.

Higit sa makinarya, kailangan nati’y pagkatao.

 

Higit sa katalinuhan, kailangan natin ng kagandahang-loob at kabutihan.

Pag wala tayo nito, magiging marahas ang buhay, at guguho ang lahat.

 

Pinaglapit na tayo ng teknolohiya. Ang mga imbensyong iya’y nananawagan sa kabaitan ng tao.

 

Nananawagan para sa pangdaigdigang kapatiran para sa pagkakaisa nating lahat.

 

Ngayon, maaari akong marinig ng milyong tao sa buong daigdig – milyong lalaki, babae, kabataang nawalan ng pag-asa, mga biktima ng sistemang umuudyok sa ilang hayop na pahirapan at ikulong ang mga inosente.

 

Sa lahat ng nakikinig sa akin, sinasabi ko – huwag kayong mawalan ng pag-asa.

 

Ang pagdurusang laganap ngayon ay dulot ng kasakiman – kapaitan ng ilang takót sa pag-unlad ng sangkatauhan.

 

Ang kapootan nila’y lilipas din, at papanaw ang mga diktador, at ang kapangyarihang inagaw nila sa mga tao’y babalik sa mga tao.

 

Sa kabila ng kamatayan ng marami, hindi maglalaho ang kalayaan.

 

Mga kababayan! Huwag kayong bumigay sa mga hayop – mga taong namumuhi sa inyo – umaalipin sa inyo – hawak ang inyong leeg – nag-uutos sa inyo – kung anong dapat isipin at damhin!

 

Silang nagsasanay sa inyo – nagpapakain sa inyo – turing sa inyo’y mga masunuring tupa, ay gagamitin lamang kayong bala sa kanyon.

 

Huwag kayong bumigay sa mga tiwaling ito – mga taong makina ang utak at puso. Hindi kayo mga makina! Hindi kayo mga hayop! Kayo’y mga tao!

 

Ang pag-ibig ng sangkatauhan ay nasa puso niyo! Hindi kayo sadyang mapoot. Silang walang nagmahal ang sadyang ganoon – silang hindi minahal at mga tiwali.

 

Mga kababayan! Huwag niyong ipaglaban ang pagkaalipin Ipaglaban niyo ang kalayaan!

 

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihan – Kapangyarihang lumikha ng kaligayahan!

 

Kayo, ang mga tao, ang may kapangyarihang gawing malaya at maganda ang buhay.

 

Sa ngalan ng demokrasya – gamitin natin ang kapangyarihang iyan – magkaisa tayo.

 

Ipaglaban natin ang isang bagong daigdig – isang mundong mapitagan na magbibigay ng pagkakataong magtrabaho ang mga tao – na magbibigay ng kinabukasan sa kabataan, at kasiguruhan sa nakatatanda.

 

Nangako rin ng ganito ang mga gago na nangamkam ng kapangyarihan.

Pero mga sinungaling sila! Hindi nila tinupad ang pangakong iyan at hindi tutuparin kailanman!

 

Pinalalaya ng mga diktador ang kanilang mga sarili habang inaalipin nila ang taumbayan!

 

Ngayon, ipaglaban natin at tuparin ang pangakong iyan!

 

Lumaban tayo’t palayain ang daigdig – iwaksi ang kasakiman, ang poot, at kawalan ng pag-unawa.

 

Ipaglaban natin ang isang daigdig na nakasandig sa katuwiran, kung saan ang siyensya at pag-unlad ay tuon sa kaligayahan ng mga tao.

 

Mga kababayan,

Sa ngalan ng demokrasya, magkaisa tayo!  

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Ai Ai de las Alas Gerald Sibayan

Gerald pinakamabait sa naging asawa ni Ai Ai

HATAWANni Ed de Leon KUNG si Ai Ai delas Alas ay benggador, ang kailangan lang niyang gawin …

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *