MATAPOS mapagtagumpayang maipasa ang lahat ng mga pagsubok at pagsusulit, nanumpa kahapon ng umaga, 1 Hulyo, ang 175 mapalad na bagitong pulis mula sa kabuuang 1,500 aplikante na tumugon sa unang cycle ng regular recruitment program para sa taong 2020 ng Philippine National Police – Polcie Regional Office 3 (PNP PRO3).
Pinangunahan ni P/BGen. Rhodel Sermonia ang programang ginanap sa Camp Julian Olivas sa lungsod ng San Fernando, sa lalawigan ng Pampanga.
Mensahe ni Sermonia sa mga bagitong pulis, “Marami ang tinawag, subalit kayo ang mga mapalad na napili.”
Pinaalalahanan din niya ang mga bagong pulis na hindi dapat suweldo ang habol o investment ang pagpupulis bagkus ito ay service oriented agency na nanggagaling sa puso at walang humpay na serbisyong publiko.
Ini-turnover din ng RFSO3 (Regional Finance Service Office 3) ang mga ATM card na may lamang P37,000 na sasahurin ng mga Police Trainee (PT) buwan-buwan kasama ang kanilang mga damit, bigas, at subsistence allowance sa panahon ng kanilang pagsasanay.
Binigyan din ng mga Biblia ang mga trainee upang magsilbing gabay espirituwal para malabanan ang mga tukso at lungkot sa panahon ng pandemya.
Alinsunod sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng PNP PCR (Police Community Relations) Month ay pinaalalahanan rin ni Sermonia na dapat bilang pulis ay panatilihing maayos ang relasyon ng buong pulisya sa mga mamamayang pinagsilbihan upang maging matagumpay sa paglutas ng krimen sa tulong ng komunidad. (RAUL SUSCANO)