HARDINERO na ang action star na si Robin Padilla at magsasaka naman ang kapatid n’yang si Rommel Padilla, ang ama ni Daniel Padilla.
Hardinero na ang dating Kapamilya star sa sariling bahay nila sa Quezon City ng misis n’yang si Mariel Rodriguez, dating host sa It’s Showtime ng ABS-CBN.
Ilang araw ang nakararaan ay namulatawan namin si Robin sa kanyang Instagram na @robinhoodpadilla na parang nagse-self-pity dahil napeste ang tanim nila ng misis n’ya na talong, okra, at siling labuyo.
Nakatanim sa paso ang mga nabanggit na halaman. Urban gardener na pala ang mag-asawa.
“Napakasakit palang mapeste…,” himutok ng dating aktor sa isang punto ng post n’ya.
Actually, ang pahayag ni Robin sa simula ng Instagram post n’ya ay: “Tunay na may kalungkutan ang pagiging magsasaka kapag apektado ang kanyang mga tanim. Napakaliit ng aming taniman @marieltpadilla at iilan pa lamang ang aming mga gulay pero napakasakit pa lang mapeste.”
Patuloy nya: “Namatayan ako ng tatlong puno ng sili, kasalukuyang nanghihina ang 3 puno ng okra at 2 puno ng talong. Ang bilis ng paglaganap ng peste.”
Nilitratuhan pa ni Robin ang ilan sa mga nalalanta na n’yang halaman.
Kinabukasan, nadiskubre naming ang buong paligid na pala ng bahay nila ay isang hardin na ng mga nakapasong halaman. Nag-post ang sikat na aktor ng mahaba-habang video ng mga aktibidad ng pagtatanim nila ni Mariel ng mga gulay sa magagandang paso na tipong decorative, hindi nga ordinaryong paso lang.
May mga eksena rin na naglalagari ng kahoy si Robin. Mukhang gumagawa siya ng plant stand.
Nasa video rin ang panganay na babaeng anak nila ni Robin. Nagmamasid lang, naglalaro, at ina-admire lang ng paslit ang mga pananim ng mga magulang n’ya.
Mahabang caption ni Robin sa video post n’ya: “Ang pagtatanim at pag-aalaga nito [mga halaman] ay nakakapagpasigla ng araw at nakakapagpatibay ng loob dahil habang tinititigan ang pagbunga ng gulay, maliwanag na ipinapakita nito na hangga’t may tumutubong itinanim, may pag-asa ang henerasyon ngayon at ang paparating.”
Biglang magiging philosophical si Robin: “Ngunit palagiang mag-ingat, dahil ang pag-asa ay parang gulay. Kapag hindi pinag-aralan, maaari itong mapeste at maglaho.”
Habang isinusulat namin ito, halos 900,000 na ang nag-view ng videopost ni Robin.
Positively receptive naman ang mga tagasubaybay ni Robin sa pagiging urban gardener n’ya. Maraming nagbigay ng payo sa kanya kaugnay ng unang post tungkol sa mga napeste n’yang halaman.
Halimbawa, pinagpayuhan siya ni @ohmymarzhiela na: “Baka po sa soil kaya namatay: puro yata rice hull. Tapos, dapat po nasa araw sila.”
Sabi naman ni @joanvalois: “Dagdagan n’yo po ng soil. Baka po kulang na sa sustansya ang lupa sa paso.”
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas