MALAMANG na mauuso na rin sa mga fan ang pagiging militante at aktibista. Kasi nga uso na ang pagiging “awoke” sa mga young star natin, pati na sa ilang middle-aged stars.
Bumalik sa freedom of the press (o freedom of expression) ang hottest issue ngayon. Dating ‘yun ang pinakamainit na isyu dahil sa pagpapatigil sa radio-TV broadcast operation ng Kapamilya Network dahil expired na ang franchise nila. Lumamig ang isyu na ‘yon at napalitan ng pagtutol sa Anti-Terrorism Bill na pinangangambahang maraming lalabaging human rights ng mga Pinoy ‘pag naging batas na.
Pero noong mahatulang guilty sa kaso ng cyberlibel si Maria Ressa, pinuno ng online news service na Rappler, biglang bumalik sa pagbabaga ang isyu ng freedom of expression. At mistulang nangunguna ngayon sa mga showbiz idol sa pagtutol sa parang nakaambang pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag ay si Janine Gutierrez.
Mismong ang pagpapahinto ng ilang netizens sa pagko-comment ng showbiz idols tungkol sa politika ay mariing tinututulan ng batang aktres.
Sagot ni Janine sa netizen na nag-post ng mensahe sa kanya sa Twitter n’ya na, “sana hindi ka na lang makisali sa political issues;” “To anyone who gets this too, pls don’t be swayed. It’s your right as a Filipino to speak up, question and be involved. I will keep repeating THAT YOUR VOICE MATTERS.”
Dagdag pa n’ya: “Kahit ano pa ang trabaho mo o kahit naiiba ang paniniwala mo sa nakararami, una sa lahat, Pilipino ka. May karapatan ka at may responsibilidad ka. Stay informed. Speak.
“To those people who say those comments & promote this culture of silence – you’re killing democracy.”
Kahit na ang lola n’yang si Pilita Corrales ay ‘di siya mapigil sa pagsasalita. Pinagalitan na siya noon ng lola n’ya dahil sa pagpapahayag n’ya ng negatibong reaksiyon sa pagbibigay ng GMA 7 ng programa sa senador na apat na taong nakulong.
Ilang buwan pagkatapos ng pagtutol n’ya laban sa paglabas muli sa GMA 7 ng re-elected na si Senator Bong Revilla, sumama siya sa rally sa University of the Philippines campus sa Diliman, Quezon City. Isinama pa nga n’ya ang dalawa sa nga kapatid n’ya sa protest rally.
Ang isa sa hashtag na gamit ng mga sunusuporta kay Maria Ressa ay #HoldTheLine. ‘Yon ang ginamit ng ABS-CBN host na si Robie Domingo noong sabihin nito na: “How should we define Democracy? Fine and convict the people who stand up for it? “#HoldThe Line.”
Ang binatang ama na si Jake Ejercito ay kinuwestiyon kung kriminal ba si Maria Ressa o biktima ng mapaghiganting Sistema?
Babala naman ng halos veteran star nang si Agot Isidro: “Aside from holding the line, we should also draw the line already.
“Tama na. This has got to stop. #DefendPressFreedom.”
Puna naman ni Ria Atayde: “If we can’t hold power to account, we can’t do anything.” #DefendPressFreedom
Maraming namamangha sa tapang at pagiging outspoken ni Janine dahil hindi naman siya mula sa angkan ng mga aktibista. Masasabi pa ngang pure showbiz ang angkan n’ya. Anak siya nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher Gutierrez na anak ni Pilita kay Eddie Gutierrez. Si Lotlot ay ampon na anak ng dating mag-asawang Nora Aunor at Christopher de Leon.
Malamang na ang mga fan ngayon ay nagbabasa na rin tungkol sa mga nagbabagang isyu dahil sa impluwensiya ng mga idolo nila.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas