Sunday , November 17 2024

Daryl Ong, sinibak sa Kapamilya Network (Kawalan nga ba ng malasakit ang dahilan?)

WALA na pala sa Kapamilya Network ang singer na si Daryl Ong dahil sinibak siya ng isang executive roon matapos iparinig sa executive ang umano’y nai-record na comment n’ya sa isang tsikahan na may kinalaman sa isang petisyon noon tungkol sa broadcast franchise ng network.

Si Daryl mismo, na produkto ng Voice Philippines, ang nagbunyag sa You Tube channel n’ya kamakailan kung bakit siya sinibak.

Mahinahon naman siya sa pagkukwento tungkol sa nangyari. Nilinaw n’yang ‘di naman siya galit sa kompanya at sa executive.

Sa pagtatapat n’ya ng pangyayari ay inuna pa n’ya ang pagpapasalamat sa mga tao at shows sa network na sumuporta sa career n’ya. Hindi lang pala sa pagkanta sa mga show ng network siya isinalang kundi pati na bilang guest actor sa ilang shows doon.

Binanggit din n’yang ikinalungkot n’ya na nadamay din sa pagkatanggal sa Kapamilya Network ang kapwa n’ya mang-aawit na si Bugoy Drilon na isa sa mga kakuwentuhan n’ya tungkol sa petisyon na ‘yon.

Actually, kasali si Michael Pangilinan sa huntahang ‘yon, pero dahil hindi naman nag-comment si Michael tungkol sa petisyon, paggunita ni Daryl, kaya parang hindi ito kasama sa mga naka-ban na umano sa Kapamilya Network.

Hindi n’ya binanggit ang pangalan ng executive na nagpatanggal sa kanila ni Bugoy.

Hindi rin binanggit ni Daryl ang isang lalaking ‘di naman n’ya kakilala pero kaupo nila sa isang mesa sa isang convention hall sa Iloilo City bago nagkakwarantina noong Marso. Kasama ni Daryl sina Bugoy at Michael dahil guest sila sa event na ‘yon sa convention Hall.

May kasama rin sila sa mesa na isang babaeng dating empleado ng network. Hindi nila kaharap sa mesa ang babaeng road manager nila na in-assign sa kanila tuwing magpe-perform sila bilang Budakel, ang trio nila nina Bugoy at Michael. Pero kasama nila sa pagbibiyahe sa Iloilo ang babaeng road manager.

Sa kuwento ni Daryl sa You Tube, ang pinag-usapan nila ni Bugoy ang petisyon para maibalik ang broadcast franchise ng ABS-CBN. Nasa isang website sa Internet ang petisyon na nangongolekta ng isang milyong lagda bago ipadala sa Kongreso at sa iba pang awtoridad para makumbinse sila na maraming tao ang panig sa pagri-renew ng broadcast franchise ng network.

Ini-announce ni Bugoy sa huntahan nila na 60, 000 signatures na lang ang kailangan para mabuo ang isang milyon. Dahil nakita na rin ni Daryl ang petisyon, sinabi n’ya kay Bugoy na sa pagkaalam n’ya ay 60, 000 pa lang ang nakapipirma. Binigyang-diin ni Daryl kay Bugoy na abot ng kaalaman nito (ni Daryl) may deadline kung kailan dapat umabot sa isang milyon ang mga lagda.

Ang eksaktong pahayag n’ya kay Bugoy ay: “Wala na ‘yan. Malabo na ‘yan. ‘Di na ‘yan aabot sa deadline.”

‘Yon lang naman ang naging comment n’ya. Ang ‘di nila alam ni Bugoy ay ‘yung misteryosong lalaki na kasama nila sa mesa ay ini-record pala sa cellphone n’ya ang pag-uusap nila.

Marami pa silang napagtsikahan ni Bugoy bago sila naisalang na kumanta sa entablado bilang trio. Mahaba-haba ring performance ‘yon dahil medley ang kinanta nila at may mga tsika pa sila sa audience. Posibleng nai-plug pa nila ang darating nilang concert.

Pagtapos nilang kumanta ay nakatanggap sila ng tawag sa road manager nila na magkita-kita silang apat agad sa isang lugar mismo roon sa venue dahil may sasabihin sa kanila ang road manager.

Habang kumakanta pala sila ay tinawagan niyong misteryosong lalaki na kaupo nila sa mesa ang isang Kapamilya executive na kaibigan nito. Ayon kay Daryl, isinumbong niyong lalaki sa executive ang umano’y kawalan ni Daryl ng pagmamalasakit sa kinabukasan ng network. Ipinadala umano niyong misteryosong lalaki sa network executive ang nai-record nitong pag-uusap nina Bugoy at Daryl.

Tinawagan agad ng executive ang babaeng road manager ng tatlo at ipinasabi sa kanila na ‘yon na ang kahuli-hulihang assignment nila mula sa network at hindi na sila makakapag-perform sa anumang programa ng Kapamilya Network. ‘Di na rin sila ibu-book ng network sa anumang assignment kahit saan pa man.

Ipinagtapat sa kanila ng road manager na tinawagan siya ng Kapamilya Network executive para iparating sa kanila ang utos na ‘yon. Natanggap  ng executive ang recording ng pag-uusap nila ni Bugoy tungkol sa petisyon.

Nang hilingin nila ang recording, ang sabi ng road manager ay ‘di naman ipinadala sa kanya ang recording. Ang alam lang ng road manager ay lalaki  ang nagpadala ng recording sa executive.

Parang hindi na rin nila nahanap kung sino ang lalaking ‘yon at kung ano ang pangalan man lang niyon.

Pero pagkatapos ng event na ‘yon sa Iloilo ay nakapag-guest pa sa Eat Bulaga ang trio. Ayon kay Daryl, wala na sila sa poder ng Kapamilya Network nang mag-guest sila sa noontime show ng GMA 7. Hindi naman ibig sabihin niyon na kinuha na sila ng karibal na network at lumipat na sila.

Ayon pa kay Daryl, nagsimula na silang i-bash ng mga netizen sa pag-aakalang iniwan nila ang network na nagpasikat sa kanila nang husto. Ipinakita n’ya ang screen shots ng pamba-bash sa kanila sa social media.

Tinapos ni Daryl ang pagtatapat n’ya kung bakit ‘di na siya napapanood sa ano mang show ng Kapamilya Network sa muling pasasalamat sa mga show doon na nilabasan na n’ya. Nagpasalamat din siya sa lahat ng tao na sumuporta sa career n’ya sa Kapamilya Network.

Dahil wala ni isa mang masamang salita tungkol sa network na binitawan si Daryl, mukhang pwede pa silang magkaayos. Kasabihan nga sa Ingles, he did not burn any bridge. Buo pa ang mga tulay sa kanila.

At ‘di naman namamaga sa taba o nangangayayat si Daryl sa galit at sama ng loob. Makinis, guwapo, at matikas pa rin siya. At napakakalmado pa ring magsalita.

 

KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Ai Ai de las Alas Gerald Sibayan

Gerald pinakamabait sa naging asawa ni Ai Ai

HATAWANni Ed de Leon KUNG si Ai Ai delas Alas ay benggador, ang kailangan lang niyang gawin …

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *