KUNG posts sa social media platforms ang pag-uusapan, masasabing ngayon ang panahon na naungusan ng Smart-PLDT ang Globe rito sa bansa.
At ‘yon ay hindi dahil sa endorsement ng isang Pinoy celebrity at sa halip ay dahil sa isang South Korean idol: si Hyun Bin, ang Captain Ri ng Korean series na Crash Landing On You na naging hit sa South Korea, sa Pilipinas, sa Amerika, at iba pang bahagi ng mundo.
Dahil pa rin kay Hyun Bin, malamang na ang mga amerkana ng Bench ang maging pinakamabenta sa bansa. Gaya ng Smart, kinuha rin ng Bench na endorser ang Korean idol at halos sabay ngang naglabasan ang mga bayad na anunsiyo nila sa media at sa social media networks.
Ang dalawang kompanya ay parehong ayaw ipagtapat kung magkano ang ibinayad ng bawat isa sa kanila kay Hyun Bin para maging endorser.
“Hyun Bin is a priceless investment!” bulalas ng isang Smart Communications executive nang tanungin siya ng media people tungkol sa talent fee ng aktor. Naganap ang pangungulit na iyon ng media pagkatapos ng stockholders meeting ng Philippine Long Distance Telephone Company kamakailan.
Ang executive na ‘yon ay si Jane Basas, senior vice president and head of consumer wireless business, na umaamin na siya man ay isang Hyun Bin fan.
Ang lubusang ipinagtapat ng executive ay ang pag-ungos ng Smart sa Globe sa social media platforms.
“From around May 27 to June 3, Smart’s social media platforms reached 40 million people, garnering 3.1 million Facebook engagements and 0.5 percent Facebook follower growth,” pahayag ng executive, ayon sa media reports.
Ang statistics ng Smart ay higit na mas mataas sa karibal nitong Globe Telecoms sa parehong panahon.. Ang sa Globe raw ay 2.1 million lang.
Malamang ay napanood n’yo na ang TV commercial ni Hyun Bin para sa Smart. Alam n’yo bang isang araw lang isinyuting ‘yon ni Hyun Bin sa South Korea? Isang araw lang pero maraming videocalls.
Walang Smart Pinoy executive na pumunta sa South Korea at wala ring executive ng VAST agency na nagma-manage kay Hyun Bin na dumating sa Pilipinas para i-negotiate ang kontrata ng aktor na pang-12 buwan lang.
Lahad ni Ms. Basas: “One hundred percent of this project was done online, from the planning stages to clearing the storyboards with Hyun Bin and his VAST management, thanks to the power and the simplicity of technology.”
Noong May 12 pa isinyuting ng aktor ang commercial. Sa pamamagitan lang ng telepono pinangasiwaan ‘yon ng Smart executives, sa pamumuno ng president and CEO ng kompanya na si Alfredo Panlilio at ng vice president for corporate marketing strategy, Lloyd Manaloto.
Ayon pa kay Ms. Basas, pinakiusapan nila ang aktor na ipadala sa Pilipinas ang mga amerkanang isinuot n’ya noong syuting.
Agad namang nagpaunlak ang aktor. At nagulat pa ang mga executive na pinirmahan pa ni Hyun Bin ang mga amerkanang ipinadala nito.
Nakatakdang pumunta sa Pilipinas si Hyun Bin, ayon sa kontrata nito. Pero dahil sa pandemya ay wala pang katiyakan kung kailan n’ya matutupad ‘yon.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas