DAHIL sa kwarantina at sa pamumuhay n’ya nang solo, parang walang choice si KC Concepcion kundi mag-aral magluto kahit na para sa sarili lang niya.
At mukhang nakahihiligan naman n’ya ang pagluluto. Nakahanap siya ng professional chef na magtuturo sa kanya ng iba pang luto na estilong Pinoy. At ‘yon ay walang iba kundi si Judy Ann Santos, ang malapit na kaibigan ng kanyang inang si Sharon Cuneta.
Kamakailan ay nagluto na sila ng Seafood Curry pero nakatakda pa lang na ipalabas ‘yon sa You Tube vlog ni KC (at malamang ay pati na rin sa vlog ni Juday).
Pero bigla naming naalala na may ibinahagi na si KC sa Instagram n’ya na sarili n’yang luto. At ‘yon ay ang Paksiw na (Pink) Salmon.
Medyo sosyal ang recipe ni KC na inamin n’yang natutuhan lang n’ya sa kasambahay ng isang katapat na unit ng condo n’ya. Kaibigan n’ya ang kasambahay at isang araw ay nagdiktahan sila ng instruksiyon habang nasa kani-kanila silang balkonahe. (Napaka-cinematic, ‘di ba?)
Sinasabi naming “medyo sosyal” ang recipe ng kasambahay at ni KC dahil ang gamit n’yang sukang pamaksiw ay ang mamahaling apple cider vinegar sa halip na ordinaryong sukang puti.
Pero bagay naman kasi sa mamahaling isdang pink salmon ang mamahaling suka. Pwedeng gamitin ang sukang puti kung sa halip na pink salmon ay bangus, galunggong, tilapia, ayungin, o kung ano pa mang isda ang paborito n’yo, o kayang-kaya n’yong bilhin.
Hindi lahat ay naglalagay ng mantika sa paksiw na isda pagkaluto nito, pero sa recipe ni KC ay olive oil ang gamit n’ya. Pwede rin namang ang gamitin ay vegetable oil na ginagamit n’yong panggisa o pamprito.
Sa Ingles magsulat (at magsalita) si KC pero isina-Filipino/Tagalog na namin ang recipe n’ya sa pagluluto ng Paksiw na Pink Salmon.
Mga Sangkap:
5 slices ng Pink Salmon (nakaliskisan, bahagyang inasinan)
4 na talong (hahatiin sa tatlo at hihiwain uli nang pahaba)
1 ampalaya (kung kasing haba ito ng talong, hatiin din sa tatlong bahagi, tapos hiwain uli ng pahaba, kayasin sa kutsara ang lahat ng puting laman, kasama ang mga buto)
1 sibuyas na may katamtamang laki, hiwain nang pino)
6 siling haba (‘yung ginagamit sa sinigang)
1 gadaliring luya, sliced
2-4 piraso ng bawang (pwedeng hiwain o pitpitin)
Asin (depende sa panlasa)
Pamintang buo at durog, depende sa gusto n’yong anghang
2 tasang Apple Cider Vinegar (kung ang gusto n’yo ay ‘di pinatuyuan kundi medyo may sabaw na paksiw
1-2 kutsaritang olive oil
Mga Hakbang sa Pagluluto:
- Pumili ng kaserola na hindi gawa sa aluminum at ‘yung ‘di aapaw ang tatlong tasang liquid.
- Ilapat ang pink salmon sa kaserola, at ipatong sa ibabaw ng salmon ang mga talong, ampalaya, sili, sibuyas, bawang, at budburan ng pamintang durog at buo.
- Ibuhos ang 2 tasang apple cider vinegar (o sukang puti) sa kaserola. (Pero kung pinatuyuang paksiw ang gusto n’yo, pwedeng isang tasa lang ang gamitin n’yo.)
- Isalang ang kaserola sa malakas na apoy hanggang kumulo. Huwag hahaluin. Kapag kumukulo na, idagdag ang isang tasang tubig. Hinaan ang init pero pabayaang kumulo ng mga 20 minuto.
- Bawasan ang init hanggang ‘di na kumukulo. Lagyan ng kaunting asin ayon sa inyong panlasa, at isa o dalawang kutsaritang olive oil.
Panatilihing nakasalang ng hanggang 5 minuto pa kung ang gusto n’yo ay may kaunting sabaw. Pero kung ang gusto n’yo at ‘yung pinatuyuan, panatilihing nakasalang ng 10 minuto.
Pwede n’yo nang ulamin ang inyong paksiw. Pero alam ni KC na mas masarap ang paksiw kung pinalalamig muna sa refrigerator ng isang buong magdamag para mas tumimpla pa ang asim at anghang nito. Pwede rin na ang tira n’yong paksiw ang i-refrigerate n’yo para maulam n’yo kinabukasan.
Happy eating. Pero sa Paris, France, na nag-aral ng International Business Communication si KC, ang ibubulalas nila ay “bon appetit!” na ang literal na kahulugan ay “mabuting gana.”
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas