NAITALA ang isang 38-anyos lalaking nurse na nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) bilang pangatlong kaso matapos mailipat ang lungsod ng Baguio sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Hindi inilabas ng Baguio General Hospital and Medical Center ang mga detalye ng health worker.
Sinabi ni Dr. Rowena Galpo, city health officer, sa management committee meeting sa Baguio City Hall, nagsasagawa na ng contact tracing sa pagamutan at sa tirahan ng pasyente.
Naitala ang unang dalawang pasyente noong Lunes, 1 Hunyo, isa sa kanila ay isang nagbabalik-trabaho sa isang mall sa lungsod na nabatid na stranded sa kaniyang bayan sa Binmaley, lalawigan ng Pangasinan noong 16 Marso.
Tumuloy siya sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng La Union at muling nakasama ang kaniyang mga katrabaho noong 26 Mayo.
Makalipas ang tatlong araw, bumiyahe patungong Baguio ang pasyente at sumailalim sa testing at noon nakompirmang positibo sa sars cov 2, ang virus na sanhi ng COVID-19.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, binigyan ng health certificate ang babae mula sa kaniyang pinanggalingan at kinailangan sumailalim sa
X-ray, na naging daan upang matukoy na maaaring positibo siya sa COVID-19.
Ang isa pang pasyente ay isang 25-anyos na lalaking nadakip noong 28 Mayo sa isang inumang nauwi sa away.
Kasalukuyang nakakulong ang lalaking bumugbog sa sariling ama.
Hinahanap ng lokal na epidemiology team ang 130 kataong posible niyang nakasalamuha.