HABANG isinusulat namin ito kahapon, Lunes ng hapon, Hunyo 1, ay idinaraos pa ang pagdinig sa Congress tungkol sa pagri-renew ng franchise ng ABS-CBN 2 na maaaring mauwi sa pagpasa ng Mababang Kapulungan (Lower Legislative House) ng pagrerekomenda sa Senado na bigyan muli ng prangkisa ang Kapamilya Network bilang radio-TV station o mananatili itong maging cable at online network (kung ipapasya ng pamilya Lopez na ituloy ang commitment nila sa madla).
Anuman ang mangyari sa pagdinig, nakatutuwa pa ring ibalita ang pagsusumikap ng ABS-CBN na tuparin ang commitment nila sa kontrata ng aktor na si Robin Padilla na minsan nang kinastigo ang Kapamilya Network tungkol sa mga umano’y diperensiya sa pagtatrato nito sa mga nagtatrabaho roon bilang empleado o bilang supplier ng iba’t ibang serbisyo sa kompanya.
Galak na galak na ibinalita ni Robin sa Instagram n’yang @robinhoodpadilla kamakailan na binayaran ng ABS-CBN ng buong-buo ang lahat ng nalalabi sa kontrata n’ya na ‘di na napagawaan sa kanya ng network ng mga katumbas na proyekto.
Dahil sa perang nakarating sa kanya, nakabili si Robin ng tone-toneladang bigas na ipinamahagi n’ya sa mga kapwa n’ya Muslim, pati na sa mga Kristiyanong nangangailangan sa panahon ng kwarantina.
Kilala na rin naman ang aktor sa mga pagkakawanggawa at sa pagsuporta sa administrasyon ni Pangulong Digong Duterte.
Pero hindi lang naman ang ABS-CBN ang pinasalamatan ni Robin kundi pati ang San Miguel Corporation dahil binayaran din siya nito ng buo para sa isang construction project ng isang kompanya na pinamumunuan ng aktor.
Binigyang-diin ng aktor na kahit na ‘di pa tapos ang project dahil nabimbin ito ng kwarantina, kinompleto na ng San Miguel ang bayad sa kompanya. Isa pang dahilan ‘yon kaya nakabili siya ng tone-toneladang bigas na ipinamahagi n’ya sa mga nangangailangan.
Actually, ang mahabang Instagram post na ‘yon ng aktor nung May 25 o 26 ay mensahe ng pasasalamat ni Robin kay Allah (ang Diyos) sa para sa mga biyayang ipinagkakaloob sa kanya. Kaya humaba ang post n’yang yon ay dahil sa paggunita sa nakaraan n’ya bilang isang rebelde sa pamilya noong kabataan n’ya sa Baguio hanggang maging artista siya.
Ginunita n’yang pumasok siyang kargador, tindero, at kung ano-ano pang trabaho sa Baguio City Market para suportahan ang sarili.
Nagpapasalamat siya kay Allah na gaano kahamak at kasalimuot man ang nakaraan n’ya, biniyayaan pa rin siya ni Allah nang labis-labis.
Ang post nga palang iyon ni Robin ay may litrato ni Moises, ang patriyarko ng mga Kristiyano. May teksto ng papuri kay Moises ang litrato. Hindi pinaglalayo ni Robin ang relihiyon ng mga Muslim at Kristiyano, at kilala nga siya sa pagtulong ‘di lang sa mga kapwa n’ya Muslim kundi pati sa sa mga Kristiyano.
Samantala, kahit na noong unang kinastigo ni Robin ang mga executive ng ABS-CBN dahil sa umano’y napakalaking suweldo ng mga ito kompara sa ibinabayad nila sa mga empleado, pati na sa mga contractual, patuloy pa ring sinusuportahan ng ABS-CBN sa pamamagitan ng senior network executive na si Cory Vidanes.
May na-monitor kami noon na Instagram post ni Robin na nagpapasalamat kay Cory para sa suportang ipinadala nito para sa isang event ng mga Muslim na kabilang si Robin sa mga namumuno.
Kapuri-puri rin naman ang aktor sa nakaugalian n’yang pag-a-acknowledge at pagpapasalamat sa mga tumutulong sa kanya. At isa na nga roon ang noon at mother studio n’yang ABS-CBN.
Sa kabilang banda, panalangin namin ay mai-renew ang franchise ng network.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas