NASAMSAM ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang tinatayang nasa P50 milyong halaga ng medical supplies at equipment mula sa mga bodegang sinalakay nila sa Wilson Street, Greenhills, San Juan at Malabon cities, na pagma-may-ari ng Omnibus Biomedical System, Inc.
Ang naturang kompanya ay tinukoy kamakailan sa isang pagdinig sa Senado na nagbebenta ng overpriced automatic extraction machines sa pamahalaan at iniimbestigahan na rin dahil sa akusasyong sangkot umano sa smuggling operations.
Dito naghinala ang mga awtoridad na sangkot sa hoarding at pagbebenta ng overpriced medical supplies at mga equipment gaya ng high-pressure stream sterilizer, blood bags, books, real-time quantitative thermal cycler, at iba pang medical supplies at equipment.
Kaagad rin sinalakay ng BoC ang mga bodega ng kompanya, sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) nitong 28 Mayo.
Isinilbi ng mga awtoridad ang Letter of Authority at Mission Order na nilagdaan ni BoC Commissioner Guerrero laban sa mga Chinese nationals na naabutan nila sa bodega nang isagawa ang operasyon.
Nakatakda umanong sampahan ng kaso ng BoC ang kompanya dahil sa pagkabigong magpakita ng katibayan na nagbabayad sila ng kanilang duties at taxes sa pamahalaan.
Matatandaang hindi ito ang unang pagkakataon na sinalakay ng BoC-CIIS ang isang tindahan o warehouse na nagbebenta ng overpriced medical supplies.
Nakakompiska na rin kamakailan ang ahensiya ng may P5 milyong halaga ng personal protective equipment (PPE) at medical supplies mula sa isang tindahan sa Binondo, Maynila at umano’y mga gamot sa COVID-19 sa Singalong, Malate.
Umaasa ang mga awtoridad na ang naturang operasyon ay magbibigay ng malinaw na mensahe sa lahat ng negosyante na sangkot sa hoarding at pagbebenta ng overpriced medical supplies ngayong panahon ng emergency, na gagawin nila ang lahat para maipatupad ang batas.
Hindi rin umano nila kokonsintihin ang mga indibiduwal o kompanya na nagsasamantala sa pandemic situation para kumita ng pera.
Sa ilalim ng RA Act 7581 o The Price Act at RA 11469 o The Bayanihan to Heal As One Act, nakasaad na marapat parusahan sa ilalim ng batas ang mga taong mapapatunayang sangkot sa profiteering o pagkita ng malaki at unfair profits, sa panahon ng emergency.
Nitong pagtatapos ng nakaraang linggo, inihayag ng Omnibus na fake news ang kumakalat laban sa kanilang kompanya.