ARESTADO ang dalawang Chinese national nang salakayin ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), CDC Clark, at PNP-PRO3 operatives ang isang tindahang nagbebenta ng Chinese medicines at nag-o-operate rin ng Chinese hospital sa loob ng Clark Economic Zone, sa bayan ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, noong Lunes, 18 Mayo.
Kinilala ang mga suspek na sina Hu Ling, 44 anyos, supervisor; at Lee Seung Hyun, 38 anyos, pharmacist, parehong Chinese national at residente sa Villa 627, Fontana Villa, sa loob ng Clark Economic Zone ng nasabing lalawigan.
Isinailalim sa malalimang imbestigasyon ang dalawang nadakip na suspek para sa ikahuhuli ng iba pa nilang mga kasamahan sa pag-o-operate ng ilegal na pagamutan para sa mga kapwa nila Chinese at pagbebenta ng illegal Chinese medicine.
Ayon sa ulat, agad nakipag-ugnayan ang CIDG sa DOH at FDA sa nasabing lugar dahil sa reklamo ng isang mamamayan na may isang Lee Wang, Chinese national, COVID-19 patient ang ginagamot sa nasabing ilegal na pagamutan.
Sinalakay ng mga awtoridad ang ilegal na pasilidad sa Florida St., Fontana Villa, sa nasabing lugar, dakong 1:30 pm noong 18 Mayo, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9711 at RA 2382 ng Medicine Act of 1958.
Nakompiska mula sa mga nadakip na suspek ang bulto ng iba’t ibang uri ng mga Chinese medicine mula sa ilegal na pasilidad sa loob ng Clark Economic Zone (RAUL SUSCANO)