BAGO pala napabalita ang pamimigay ni Michael Bublé ng bahay sa Pinoy caregiver ng yumaong lolo n’ya sa ina, ang una munang naging mainit na balita tungkol sa global singing idol ay ang pagbabanta sa buhay n’ya ng mga Argentinian dahil sa umano’y pagmamalupit ni Michael sa misis n’ya na isang Argentinian.
Hindi nakarating sa entertainment websites na nakabase sa Pilipinas ang tungkol sa banta ng Argentinians kay Michael dahil wala namang involved na Pinoy sa news story na ‘yon.
Noong April 12 pa nagsimulang naglabasan sa Canada at sa mga media na Kastila ang wika tungkol sa umano’y pagmamalupit ni Michael sa misis n’yang Argentinian actress na si Luisana Lopilato. Isang Canadian si Michael at sa Canada siya naninirahan, kasama ang misis n’ya at tatlo nilang anak. At ‘yon ang dahilan kaya sumabog din sa Canada ang balita tungkol sa pagmamalupit n’ya at pagbabanta sa kanya ng mga kababayan ng misis n’ya.
Noong huling linggo ng Abril hanggang unang dalawang linggo nitong Mayo ay pansamantalang natabunan ang mga balita tungkol sa kanya, sa misis n’ya, at sa mga kababayan nito dahil ang kumalat naman ay ang pamimigay n’ya ng bahay sa isang Pinay caregiver na nakilala lang sa pangalan Minette.
Ang pamimigay ni Michael ng bahay na ‘yon ay bahagi ng isang TV show na ipinalalabas sa US at sa Canada. HGTV Celebrity IOU ang titulo ng show. Ibinalita ‘yon sa maraming entertainment websites, pati na sa websites ng international news agencies na gaya ng Associated Press at Agence France Presse.
Tuwang-tuwa si Michael na matapos matambad sa publiko ang umano’y kalupitan n’ya sa misis n’ya, ang umano’y kabaitan naman n’ya ang naipamarali. Puring-puri n’ya ang Pinay na naging caregiver ng lolo n’ya sa ina ng walang taon hanggang yumao ito noong 2018.
Ang lolo n’ya mismo ang nagbilin sa kanya na ‘pag yumao na ito, ibigay ang bahay kay Minette na itinuring ng kapamilya ng lolo n’ya.
Sa kabilang banda, gaano kagrabe ba ang balitang pinagmamalupitan ni Michael ang misis n’ya?
‘Yung balitang ‘yon ay noong April 12 nasaksihan sa Instagram Live session nilang mag-asawa. Nagbasa sila ng kuwentong pambata: kung paano matutulungan ng mga magulang ang mga bata na huwag mainip sa mga araw ng quarantine dahil sa pananalasa ng Covid-19.
Ayon sa website na Inside.com, ang nangyari ay ‘di-sinasadyang nauunahan siya ng misis n’ya na bumati sa publiko sa simpleng pagsasabi ng “Ola!” sa Kastila o “Hello!” sa Ingles. Biglang pinisil ni Michael sa siko ang misis n’ya na naintindihan naman pala na ayaw ng mister n’ya na naunahan siya nitong bumati.
“Perdon!” sambit agad ng misis n’ya o “Sorry!” Dahil may puwang na ilang pulgada sa kanila, kinabig ni Michael si Luisana na papalapit sa kanya.
Nakangiting hinayaan na lang ni Luisana ang pangyayaring ‘yon.
Sa isang punto ng pagbabasa nila, napansin ni misis na nakalaglag sa noo ni mister ang ilang piraso ng buhok n’ya. Umakma si misis na hawiin ‘yon, pero sumimangot si mister at umatras.
Sa report sa ng Inside.com pagkaraan ng ilang araw, binanggit na hindi ‘yon ang unang pagkakataon na umasta nang magaspang sa misis n’ya ang singer ng mga romantikong awitin. Sa isang videotaping, narinig ang pagsasabi ni Michael kay Luisana ng, “You’re so dead!” dahil nahuli ito ng ilang segundo sa pagsasabi ng linya n’ya.
‘Di naiisip ni Michael na may video o TV camera sa harap nila na mare-record ang kilos at mga salita nila kahit na ‘yung mga ie-edit out (‘di na isasali ‘pag ipinalabas na ang video) at maibabalita ‘yon sa social media o kung saan pa man ng mga tao na mas natutuwa sa misis n’ya kaysa kanya.
Ibinalita rin sa ulat na ‘yon sa Inside. com na minsan nang naulinigan si Michael na sinabihan ang misis n’ya ng, “I will kill you!”
Inungkat din sa report na ‘yon ang isang interbyu kay Michael na sinabi n’yang talagang may violent tendencies siya.
Nitong ikatlong linggo ng Mayo, si Luisana pa ang nagpahayag na mabait na asawa si Michael at sana’y tigilan na ng mga kababayan n’ya ang pagbabanta sa mister n’ya dahil siya ang nababalisa at natatakot para sa mister n’ya.
Ginawa ni Luisana ang panawagang ‘yon noong interbyuhin siya sa programang Kastila na ipinalalabas sa Argentina na ang titulo ay Intrusio.
Iniulat ng magazine na Kastila na Ola! ang interbyu kay Luisana pero nilagyan nila ng English translation ang mga pahayag nito.
Pahayag ni Luisana: “We received a lot of love from people but you wouldn’t believe the amount of people who sent me photos with weapons saying they were going to kill Mike when he reaches Argentina.
“There were photos of knives from people laughing and saying they were going to cut off his fingers, leave a bomb for us or give him a beating.
“I want you to know that I have no doubts who my husband is and I would choose him a thousand times more!! It’s not fair!’
“The world needs more than ever ‘love, hope, values, unity and solidarity’ — not these types of people.”
Mapalad naman si Michael (na 44 years old na) na May 18 pala ang birthday. Naging oportunidad ito para ibando n’ya sa mundo ang umano’y pagmamahal n’ya kay Luisana.
Nag-post siya sa Instagram n’yang @michaelbuble ng litrato ni Luisana na ang caption ay: “Happy birthday Luisana. Thank you for guiding this family with your faith, love, strength and selflessness. You’re our hero, and we are so proud of you and the woman you’ve become.”
Nag-reply naman agad ang napakagandang Argentinian: “I love you! You are the rock of this family!”
Bilang proteksiyon na rin siguro sa mga anak nila, hindi nakaugalian ni Michael na mag-post ng litrato nila. Tuwang-tuwa naman ang followers n’ya. May mga nag-comment na: “What a beautiful photo of Lu and the children;” “What a beautiful family you have.”
Noong March 2011 ikinasal sina Michael at Luisana. Isang stevedore si Michael sa isang fishing boat bago ito nagsimulang sumikat bilang jazz singer ng mga standard love song.
Karpintero at tubero ang lolo n’yang yumao na. Demetrio Satagana ang pangalan ng lolo n’ya na isang Italyano.
Noong teenager pa lang si Michael at nagsisimula pa lang mangarap na maging singer, ang lolo n’ya ang nakikiusap sa mga night club na pakantahin si Michael kahit na libre lang at aayusin pa ng lolo ang plumbing system nila. Sa bahay ng lolo n’ya siya unang nakarinig ng mga lumang love song.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas