Thursday , December 19 2024

Ang Huling El Bimbo, most-watched musical; 7M nanood

PITONG milyon ang nanood ng Ang Huling El Bimbo noong ipinalabas ito sa Facebook at You Tube channel ng ABS-CBN, May 8 and 9. Tuloy-tuloy ang pagtatanghal nito sa loob ng 48 oras.

Puwedeng sabihing umabot ng ganoong kalaki ang bilang ng mga nanood dahil libre naman ang panonood niyon. Pero matagal nang may libreng musical (pati na concerts at opera) pero kung umabot man ng ilang milyon ang nanonood sa isa man lang sa mga iyon, ang bilang na ‘yon ay sakop ng maraming taon–hindi 48 oras lang.

Ang talagang naging pang-akit ng produksiyon ay ang hit songs ng bandang Eraserheads noong 1990s, lalo pa’t naihabi ng musical director (Myke Salomon) ang mga ‘yon sa iba’t ibang bahagi ng kuwento sa iba’t ibang bilis (tempo) na naisasayaw ng mga aktor sa iba’t ibang paraan.

Halimbawa, ang mabagal na awit ng pagdaramdam sa naunsyaming relasyon na Pare Ko ay inareglo ni Myke na maging marching song sa eksena ng drill ng ROTC cadets na kinabibilangan niyong tatlong male college students na siyang pangunahing tauhan sa kuwento. Sa eksenang ‘yon makikilala niyong isa sa tatlo si Joy, isang serbidora sa isang karinderya na naglalako ng meryenda sa mga estudyante. Bumagay ang kanta na ;yon dahil magiging girlfriend si Joy niyong isa sa tatlo, pero sa paglaon ay mababalewala rin ang relasyon nila.

Batay sa mga feedback tungkol sa pagtatanghal na natunggayan namin sa Facebook at Twitter ilang araw pagkatapos ng online screening, hindi naman ang lahat ng pitong milyon ay nagustuhan ang pagtatanghal. Mayroon ngang ‘di tinapos ang musical. May kinuwestiyon ang kabuluhan ng produksiyon noong madiskubre nilang mari-rape pala si Joy ng mga gangster sa Antipolo isang gabi, masasaksihan ‘yon ng tatlong lalaki dahil blow out nila ang lakad na ‘yon para sa kanilang sarili para sa graduation nila kinabukasan. (Sa istorya, mga estudyante sila ng University of the Philippines sa Diliman.)

Walang gagawin ang tatlong lalaki tungkol sa nasaksihan nila. Ni hindi nila iri-report sa pulisya. Pagka-graduate nila, magkakanya-kanya na sila. Hindi na nila sasagutin ang mga komunikasyon sa kanila ni Joy, na sa paglaon pala ay naging prostitute at drug courier sa Ermita.

Sa kabuuan ng kuwento, may mas masama pang mangyayari kay Joy, magkikita-kita uli ‘yung tatlo dahil sa pangyayaring iyon, at madidiskubre nilang nagkaanak pala si Joy ng isang batang babae na pinangalanan nitong Ligaya.

Isa sa mga nag-feedback ay si Lualhati Bautista, ang award-winning feminist novelist at scriptwriter sa pelikula at telebisyon. Nabagabag siya na walang ipinadamang pagtutol ang produksiyon tungkol sa kung paano tratuhin ng lipunan, lalo na ang mga kalalakihan, ang karahasang dinaranas ng mga babae.

Nag-i-expect si Lualhati na kundi man isinama sa mismong dula ang ganoong paninindigan, sana ay sinabi ng mga tauhan ng musical bago magsara ang kurtina ng pagtatanghal na kailangang kumilos ang lipunan para proteksiyonan ang kababaihan laban sa karahasan, panlalamang at pang-aabuso. Nag-i-expect siya ng social action sa loob ng dula, o call to action pagkatapos ng pagtatanghal.

Sa mga pagtatanghal ng Philippine Educational Theater Association (PETA), Dulaang UP [University of the Philippines], Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Ateneo ng Ateneo de Manila University laging may call-to-action sa dulo ng pagtatanghal.

Produksiyon ng Full House Theater ng Resorts World Manila ang Ang Huling El Bimbo. Nakadalawang seasons ito ng pagtatanghal sa Newport Theater for the Performing Arts mula noong July 2018 hanggang August 2019. Hindi naman identified ang Full House Theater sa mga pagtatanghal tungkol sa mga problema ng lipunan. Sa mga musical na Ingles sila nakilala, gaya ng The Sound of Music at PriscillaQueen of the Desert. Nitong mga huling nagdaang taon lang sila nagsimulang mag-produce ng musical sa Filipino/Tagalog at ang una nila ay ang Bituing Walang Ningning na hango sa pelikula nina Sharon Cuneta at Cherie Gil na may ganoong titulo.

Para sa Full House Theater company isinulat ni Dingdong Novenario ang Ang Huling El Bimbo, kaya’t kinailangan siyang sumunod sa tradisyon ng kompanya. May casino sa loob ng Resorts World, at ang mga regular na pumunta sa casino, kasama ang mga kaibigan nila at pamilya, ay may pribilehiyong manood ng mga pagtatanghal sa Newport Theater. Alanganin namang magtanghal doon ng mga produksiyong may mga napakaseryosong advocacy tungkol sa mga suliranin ng lipunan.

Pero mabuting development sa personalidad ng mga Pinoy na kung bibigyan pala sila ng pagkakataon manood nang libreng stage musical sa panahong ‘di sila nakalalabas ng bahay, laksa-laksa silang “dadagsa” sa kanilang mga cyber tech gadget para panoorin ‘yon.

Magandang development din sa personalidad ng mga Pinoy na dumaragsa rin sila sa social media para ipabatid ang reaksiyon nila sa napanood nilang pagtatanghal na mula sa buhay na entablado.

‘Di sikat na movie and TV idols ang nagsiganap sa Ang Huling El Bimbo, pero nasa cast nito si Nicco Manalo, ang anak ni Jose Manalo ng Eat Bulaga. Kasali rin si David Ezra na anak ng napakabeteranang singer na si Dulce, na naghuhurado na sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime ng ABS-CBN. Nasa cast din si Gian Magdangal na nagsimula bilang pop idol. Kasali rin ang stand-up comedian na si Jon Santos sa papel na hindi nagpapatawa .

Ang buong cast ng Ang Huling El Bimbo na ipinalabas online ay pinuri sa husay nila. Walang kanta ang Eraserheads na isinali sa musical na ‘di nagustuhan ng pitong milyong tao na nanood sa kanila sa loob ng 48 oras.

Ang produksiyon ay idinirehe ni Dexter Martinez na identified sa Dulaang UP dahil doon siya pinakamadalas magdirehe.

Dahil sa laksa-laksang nanood ng Ang Huling El Bimbo, masasabing ito na ang pinakamatagumpay na theater production sa bansa.

 

 

KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Bong Revilla Jr Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Bong sa magpapakilalang anak: aakuin at hindi ikinahihiya

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio KAHANGA-HANGA ang ginawang pag-amin ni Sen Bong Revilla nang matanong kung …

Piolo Pascual TVJ Tito Sotto Vic Sotto Joey de leon

TVJ handang makipag-collab kay Piolo

PUSH NA’YANni Ambet Nabus IBA talaga si papa Piolo Pascual dahil noong nakaraang Friday the 13th, sinolo …

Claudine Barretto Alfy Yan Rico Yan

Alfy kamunghang-kamukha ni Rico, papasukin din ang showbiz

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PERSONAL na sinamahan ni Claudine Barretto si Alfy Yan, pamangkin ni Rico Yan sa Viva Entertainment office last week. …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Boss Toyo hindi natanggihan si Bong Revilla 

I-FLEXni Jun Nardo BAGONG-DAGDAG sa cast ng third season ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik …

Atom panalo sa kasong ‘red-tagging’ vs Lorraine at Jeffrey

HATAWANni Ed de Leon LUMABAS na ang hatol ng Quezon City RTC  Branch 306 kina dating …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *