SA Canada naman, isang Pinay caregiver ang binigyan ng International singing idol na si Michael Bublé ng isang malaking bahay.
Ang Pinay caregiver na ‘yon na pinangalanan lang na Minette ay naging caregiver ng lolo ni Michael ng walong taon bago yumao at bago nabigyan ng bahay.
Ito’y ayon sa mga ulat ng iba’t ibang websites sa Canada na batay naman sa isang TV show doon na ang titulo ay HGTV’s Celebrity IOU, na itinampok ang pagre-renovate ng lumang bahay bago ipagkaloob kay Minette.
Ipinakita rin sa show ang sorpresang pagpapabatid ni Michael kay Minette na kanya na ang bahay na ‘yon.
Hindi alam ni Minette na ipina-renovate ‘yon ni Michael para sa kanya dahil nagbabakasyon siya sa Pilipinas nang panahon na ‘yon.
Ayon kay Michael sa interbyu n’ya sa nasabing TV show, ang lolo Demetrio Santanga n’ya mismo ang nagbilin na ibigay na kay Minette ang bahay pagyao nito dahil itinuturing na nito na kapamilya ang kanyang caregiver.
Si Minette ang nag-iisang caregiver ni Lolo Demetrio, ayon kay Michael, dahil noong una ay ayaw nitong tumanggap ng mag-aalaga sa kanya.
Pero nang ipakilala ni Michael si Minette kay Lolo Demetrio, agad na napalagay ang loob nito sa Pinay caregiver. Diretsong walong taon inilagaan ni Minette si Lolo Demetrio.
Paglalarawan ni Michael kay Minette, “She is really compassionate, kind, empathetic human being with a great sense of humor, a great zest for life, who sort of never did anything for herself.”
Dagdag pa ng Canadian singing idol, “Minette doesn’t keep any of the money that she makes. She’s got a lot of family in the Philippines and she takes that money and she sends it all back.”
Malapit na malapit si Michael sa kanyang Lolo Demetrio at idolo ng global singing idol ang matanda mula pa sa pagkabata. Sa bahay na ‘yon n’ya natutuhan ang mga lumang kantang nagpasikat sa kanya sa buong mundo.
Hindi binanggit sa mga ulat sa mga website ang apelyido ni Minette at kung saan siyang bahagi ng Pilipinas nagmula.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas