INILAAN ng Makati City government para sa expanded Makati Economic Relief Program ang pondong P2.7 bilyon.
Ito ay magbibigay ng kaluwagan sa makatizen sa panahon ng krisis na dala ng pandemyang COVID-19.
Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay, mahirap man o mayaman, nakatanggap man ng SAP o hindi, kahit saan mang sektor ay mabibigyan ng ayuda.
Sa ilalim ng Programang Maka-Tulong 5K for 500K na nilagdaan ng alkalde noong 21 Abril, magbibigay ang lokal na pamahalaan ng tig-P5k sa bawat mamamayan ng Makati.
Lahat ng 18 anyos pataas ay makatatanggap ng tulong, kailangan lamang ay mayroong Makatizen card, Yellow card o botante ng lungsod.
Para makuha ang tulong, ang gagamitin ay makatizen app.
Kung walang makatizen card mangyaring mag-apply sa App o mag log sa www.proudmakatizen.com website.
Inilinaw ni Mayor Abby na walang isinakripisyong programa ng lungsod para sa P2.7-B Expanded Makati Economic Relief Program, kundi dahil mayroong mga programa na hindi na mai-implement dahil sa COVID-19.
Sinabi ng Alkalde ang relief program na ito ang unang magiging contactless at transparent sa pamimigay ng tulong (sa pamamagitan ng G-Cash).
Binigyan diin ng Alkalde, kailangan magamit ang partial o buong ayuda sa loob ng 30 araw mula sa pagkakatanggap para manatiling valid. (JAJA GARCIA)