HINDI ipatutupad ang hard lockdown sa barangay na ikatlo sa may pinakamataas na kompirmadong kaso ng coronavirus (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) ayon sa inihayag ng Department of Health (DOH), siniguro ito ng pamahalaang lungsod ng Parañaque.
Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez, ang paglalagay sa hard lockdown sa isang barangay ay hindi tamang solusyon sa pandemia kung ang pasyente ay hindi naman gumagala o nananatili lang sa isolation facility.
Sa ulat ng DOH, ang NCR ay nasa 67% confirmed COVID-19 cases na lumalabas na may pinakamataas na kaso sa bansa, na naitala nitong 3 Mayo.
.
Tatlong barangay sa Mtero Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso na pinangunahan ng isang barangay sa Addition Hills, Mandaluyong City, may 55 kaso; Tandang Sora, Quezon City na may 52 kaso; at ang San Antonio, sa Parañaque na may 50 kaso.
Ang Barangay Addition Hills ay ilalagay sa isang linggong total lockdown mula 7 Mayo hanggang 14 Mayo.
“Wuhan-style lock lockdown is not needed this time to fortify the fight against the coronavirus outbreak. What we need is random rapid testing of about 20,000 residents of Barangay San Antonio,” paliwanag ni Olivarez.
“Residents of San Antonio will criticize us and get mad on us if we implement a hard lockdown right now or on the last 10 days of enhanced community quarantine. All we need to do is to isolate the positive COVID-19 patients in the barangay,” dagdag ni Olivarez.
Sa pinakahuling tala ng Parañaque, 481 COVID-19 confirmed cases kabilang ang 33 namatay habang 82 pasyente ang nakalabas ng ospital at 88 ang nakarekober.
Nasa 590 ang probable cases na awtomatikong nakaratay sa isolation facilities ng Parañaque habang ang 298 suspect cases at 276 probable cases ay pawang ‘cleared’ na sa nasabing virus.
Nakapagsagawa na rin ang Parañaque ng mass rapid testing sa 3,321 indibiduwal at 95% nito ang nagnegatibo sa COVID-19.
Kabilang sa frontline medical at healthcare workers ang nag-positibo bagamat hinihintay pa ang resulta ng ikalawa o confirmatory test results.
May kabuuang 333 doktor at health providers ang naka-deploy sa quarantine facilities. (JAJA GARCIA)