NANDITO na sa bansa ang panibagong 125 Filipino crew members ng Costa Atlantica cruise ship na nakadaong sa Nagasaki, Japan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang naturang overseas Filipino workers (OFWs) matapos makompleto ang kanilang 14-day quarantine sa loob ng barko.
Ang mga repatriated OFWs ay muling sumalang sa COVID-19 rapid testing sa NAIA Terminal 2, sa pamamagitan ng one-stop-shop bago tutuloy sa 14-day quarantine facility na inaprobahan ng gobyerno.
Nakahanda ang DFA, mga embahada at Consulate General sa buong mundo, na magbigay ng tulong sa mga distressed OFWs sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor para sa ligtas na pagpapauwi mula sa mga bansang apektado ng pandemyang COVID-19. (JAJA GARCIA)