INILINAW ng pamahalaang lungsod ng Pasay na “fake news” ang kumalat sa social media na ordinansang nagpapahintulot nang uminom o makabili ng nakalalasing na inumin.
Sinabi ni Pasay City Public Information Office (PIO) chief Jhun Burgos, isang draft ordinance ang kumalat sa social media na umano’y inaprobahan na ng Sangguniang Panlungsod at binabawi ang naunang kautusan na nagbabawal sa pag-inom, pagbebenta at distribusyon ng lahat ng uri ng inuming nakalalasing.
Ayon kay Burgos, wala pang inilalabas na endorsement ang buong Sangguniang Panlungsod sa naturang draft ordinance at hindi pa ito nilalagdaan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Noong 14 Abril, naglabas ng kautusan si Mayor Rubiano na nagbabawal sa pag-inom at pagbebenta ng lahat ng uri ng inuming nakalalasing na isang paraan upang hindi na kumalat pa ang nakamamatay na sakit na dulot ng COVID-19
Ang utos ng alkalde ay batay sa ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na pansamantalang nagbabawal sa pag-inom, pagbebenta at distribusyon ng lahat ng uri ng inuming nakalalasing na inakda ni Konsehal Moti Arceo.
Ayon sa Konsehal, nakatanggap sila ng sumbong na maraming mga residente ng lungsod ang ginagawang libangan ang pag-inom ng alak na malinaw na nagiging dahilan upang malabag ang physical at social distancing at pananatili sa loob ng tirahan sa ilalim ng umiiral na enhanced community quarantine(ECQ).
Gayonman, kamakalawa ay may kumalat na ordinansa na ini-introduced mismo ni Vice Mayor Noel Del Rosario at ipinanukala ng karamihan sa mayorya ng konseho na bawiin ang una nilang ipinasang kautusan na nagbabawal sa pag-inom at pagbebenta ng alak.
Sa naturang draft ordinance, na may lagda pa ng ilang miyembro ng konseho, nakasaad na pinapayagan na ang pag-inom ng alak basta’t gagawin lang ito sa loob ng tirahan at iiwasan ang physical distancing.
Hindi rin pinapahintulutan ang mga nakainom ng alak na lumabas pa sa kanilang tahanan. (JAJA GARCIA)