SA IBINIGAY na extention ng deadline na itinakda ng Department of Interior and Local Government (DILG), umalalay na ang 130 daycare teachers at 20 disbursing officers ng Treasurer’s Office ng Parañaque City para mamahagi ng cash assistance ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, kinailangan niyang gawin ito para mapabilis ang pagpoproseso sa verification ng listahan ng benipisaryo alinsunod sa ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“These school teachers will be a big help to the city government since they will also validate and recommend the approval of the qualified beneficiaries,” ani Olivarez.
Unang nagbigay ng deadline na 30 Abril lang ang distribusyon ng mga lokal na pamahalaan sa first tranche ng cash assistance na pinalawig ni
Interior Secretary Eduardo Año sa kahilingan ng mga alkalde na hanggang 7 Mayo, dahil sa laki ng populasyon sa Cebu at Davao cities; mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan, at ng National Capital Region (NCR).
Iniulat kahapon ni Olivarez na nasa 60% ng kabuuang 77,000 qualified beneficiaries ng 16 barangay ang nakatanggap ang P8,000 cash aid.
Aniya, ginagawa ang pamimigay ng cash aid sa bawat barangay upang maiwasan ang mass gathering, na inaabot ng 12 oras o mula 8:00 am hanggang 8:00 pm.
Dahil sa pinalawig na oras, imbes 8 oras, nagagawang mabigyan ang nasa 50 benipisaryo kada araw.
Inaasahan ng alkalde ng Parañaque na matatapos ito bago ang itinakdang deadline sa 7 Mayo. (JAJA GARCIA)