HINDI akalain ng delivery rider na mabubuko ang mas malaking raket niya nang mahuli sa aktong nagbebenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer, nitongMartes ng gabi sa Pasay City.
Agad pinosasan ng mga operatiba ng Pasay Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si Noli Cesar Lagrata, 28, delivery rider ng isang mobile food delivery ng 160 Twin Pioneer, Don Carlos Revilla St., Bgy. 148 Zone 16, nang tanggapin ang P500 markadong salapi sa isang undercover cop, 11:00 pm sa harap ng kanyang tirahan.
Sinabi ni P/Capt. Deni Mari Pedrozo, hepe ng SDEU, nakompiska nila mula kay Lagrata ang 11 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng 14.41 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P91,188, isang plastic sachet na naglalaman ng hindi nabatid na dami ng pinatuyong dahon ng marijuana at ang markadong salapi na ginamit ng kanyang tauhan sa pagbili ng shabu.
Nakapiit sa Pasay police detention cell si Lagrata na nakatakdang dalhin sa piskalya ng Pasay upang isailalim sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa Section 5 (Selling) at Section 11 (Possession) ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JAJA GARCIA)