UMABOT sa P4.2-M ang nalikom ng tatlong oras na digital birthday concert ni Regine Velasquez noong Linggo (April 25) para sa Bantay Bata 163 project ng ABS-CBN Foundation.
Ang eksaktong suma ay P4,259,839.00 ayon mismo sa mga website ng ABS-CBN.
Siguradong kasama sa suma na ‘yon ang P1-M na donasyon ni Sharon Cuneta. Pero hindi si Sharon mismo ang nagbalita ng abuloy n’yang ‘yon kundi ang ABS-CBN Foundation. Lumabas ang balita sa iba’t ibang websites na pag-aari ng Kapamilya Network. Napaluha nga si Regine nang ipabatid sa kanya ang P1-M donasyon ng megastar.
Nag-participate naman si Sharon sa 50th birthday concert na ‘yon ni Regine sa pamamagitan ng pagbati, isangvideo clip sa misis ni Ogie Alcasid. Hindi nag-guest ang megastar. (Ang nakipag-duet ng ilang beses sa Birit Queen ay ang Broadway star ng bansa na si Lea Salonga).
Parang si Sharon ang showbiz celebrity na may pinakamalaking personal na donasyon ngayon sa mga online fundraising sa bansa. ‘Di ba’t nag-donate rin siya ng P3-M sa UniTent project nina Angel Locsin at Neil Arce kaya parang mabilis umabot sa lagpas sa P10-M ang nalikom ng mag-sweetheart na ang pagpapakasal ay na-delay ng pagputok ng Taal Volcano at paglaganap ng Covid-19.
Muli, ‘di si Sharon mismo ang nagbando na nag-donate siya ng ganoong kalaking halaga kundi si Angel kahit na ang bilin ng megastar sa kanya ay ilihim na lang ‘yon. Bahagi ng pagdedepensa ni Angel ‘yon sa reputasyon ng mga kapwa artista n’ya na naba-bash ‘pag ‘di napapabalita ang pagtulong nila sa mga nasasalanta at naghihikahos.
Hindi naman ikinagalit ni Sharon ang pagbubunyag ng mga donasyon n’ya. Alam din naman n’yang kailangan ‘yon sa “transparency” (kalinawan) ng mga lumilikom ng mga donasyon.
Mabuti naman na kahit ang mga anak ni Sharon ay may puso na rin sa pagkakagawang-gawa, lalo na sa panahong ito na parang wala pang kasiguruhan kung kailan natin magagapi ang corona virus at kailan ititigil ang community quarantine na nagpapatigil sa karamihan sa atin sa paghahanapbuhay.
May dalawang beses na rin yatang nakapagpadala ng mga pagkain para sa frontliners sa mga ospital si KC Concepcion.
Si Frankie Pangilinan naman ay hinimok ang ama n’yang si Senator Kiko Pangilinan na piyansahan nila ang mga naarestong taga-Barangay San Roque na sabay-sabay lumabas ng kanilang barangay para makahingi ng relief goods at iba pang tulong kahit na naiproklama na ang community quarantine.
Mas maliit na halaga man ang naitulong ng magkapatid sa ina na sina KC at Frankie kung ikukompara sa nakakayanan ng butihin nilang ina, ang importante ay nasa puso na nila ang pagtulong sa kapwa.
Si KC ay nasa Pilipinas, at matagal nang namumuhay na independent sa kanyang pamilya. Si Frankie ay nasa New York City sa Amerika at nag-aaral ng kolehiyo.
Masigla naman ang Pinoy entertainment personalities sa pagtulong sa madla sa panahong ito. Kundi sila involved sa relief operations, nagpe-perform sila sa mga online fundraising shows. Ang iba ay nagbebenta pa ng mga mamahaling gamit para maidagdag sa donasyon nila ang napagbentahan.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas