MATAGAL n’yo na bang pangarap na makapanood sa Cultural Center of the Philippines (CCP) pero masyadong malayo, magastos sa pamasahe at pagkain, at ‘di mura ang ticket sa mga pagtatanghal?
Sabi nga, sa bawat ‘di kaibig-ibig na kaganapan, may nakakubling biyaya (“blessing in disguise”). Dahil sa Covid-19 at sa pahaba nang pahabang community quarantine, sarado ang CCP.
Pero maipagpapatuloy ang layunin nitong itaguyod ang sining at kultura, at pagbabahagi sa madla na nakalilibang, nakapagpapatayog ng kaalaman, nakabubuhay ng damdamin, nagpasya ang CCP na ipalabas ng libre sa You Tube ang video coverage ang marami sa kanilang nakaraang pagtatanghal.
Bawat palabas ng CCP sa You Tube ay mapapanood ano mang oras at araw sa loob ng isang linggo pagkalunsad nila nito. At sa ilang pagtatanghal at may mga kasamang performers na mula sa showbiz, kaya may mga palabas na pamilyar sa inyo ang ilan sa mga gumaganap.
May mga palabas din ang CCP na naging batayan ng pelikula, kaya madali n’yong makagigiliwang panoorin ang mga ito.
Halimbawa, sa May 2, 3:00 p.m., napanood n’yo sina Christian Bautista at Karylle sa ballet musical na Rama Hari.
Ang Rama Hari ay batay sa Asian epic na Ramayana. ‘Yung ballet ay likha ng National Artist for Dance na si Alice Reyes na siya ring nagdirehe ng show.
Ang script (na “book” o “libretto” ang tawag sa language ng teatro) ay likha ng National Artist for Literature na si Bienvenido Lumbera.
Ang musika ay likha namang lahat ng bagong National Artist for Music na si Ryan Cayabyab (na abalang-abala rin ngayon sa fundraising concert series na Bayanihan Musikahan).
Sa credits pa lang ng ballet musical na Rama Hari ay alam n’yo nang napakahalaga at napakaimpresibo ng produksiyong ito. Muli, alalahanin n’yong isang linggo n’yo lang ito pwedeng mapanood.
Sina Christian at Karylle ang aawit para sa katauhan nina Rama at Sita, respectively.
At kung biglang nahilig kayo sa ballet pagkatapos n’yong manood ng Rama Hari, abangan n’yo sa May 5 ang palabas na Firebird and Other Ballets, 3:00 p.m. din ipi-premiere ito sa You Tube.
Sikat na sikat na ngayon si Markki Stroem dahil sa full-length na musical na Kung Paano Ako Naging Leading Lady na ipinalabas sa PETA Theater sa Quezon City. Pero hindi bilang full-length musical nagsimula ang produksiyon na ‘yon. Isang one-act play muna ‘yon ni Carlo Vergara na itinangahal sa Virgin Labfest 9 sa CCP. Ang original version na ‘yon ay mapapanood sa You Tube simula sa May 7, 3:00 p.m. ang paglulunsad ng play.
Sa full-length musical na Kung Paano Ako Naging Leading Lady ay si Bituin Escalante ang isa sa mga gumanap na pangunahing bituin na katambal ni Markki. Kung kahit minsan ay ‘di n’yo pa napapanood si Bituin, abangan n’yo siya sa solo concert n’ya na ginanap sa CCP din noon: ang Triple Threats: Everything in Bituin. Ipalalabas ito sa You Tube sa May 9, 3:00 p.m..
Malamang ay natatandaan n’yo ang Hintayan ng Langit, isa sa mga huling pelikula na nagampanan ni Eddie Garcia at naging entry sa isang Metro Manila Film Festival. Si Gina Pareno ang katambal ni Manoy sa pelikula.
Actually, bago naging pelikula ang Hintayan ng Langit, isa muna itong dula ng Virgin Labfest (VLF), isang taunang theater festival sa CCP na pinangangasiwaan ng Tanghalang Pilipino.
Isang mag-asawang parehong retirado at champion ballet dancers ang gumaganap sa VLF version: sina Edna Vida at Nonoy Froilan. Unang pagtatambal nila ito sa isang dula sa entablado. Magaganda ang review sa kanila bilang mga artista sa dulaan.
Noong Martes, April 28 pa ito nagsimulang ipalabas sa You Tube at itatanghal ‘yon hanggang May 4.
Ayan, wala na tayong dahilan para mabagot sa unang linggo ng Mayo ng community quarantine!
At para ma-notify kayo sa schedule na inihayag ko sa itaas, subscribe to the CCP YouTube channel at bit.ly/CCPOnlineYT! #CCPOnline #50CCP.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas