PARANG walang ginagawa si Marcelito “Mars” Pomoy para sa fans n’ya na apektado ng quarantine na dulot ng pandemic na corona virus. Bagama’t identified siya sa Kapamilya Network, kapuna-punang ‘di siya nakakasali sa Pantawid ng Pag-ibig, fundraising project para sa frontliners at sa mga apektado ng community quarantine.
‘Di rin nakakasama ang champion ng Pilipinas Got Talent sa proyektong Bayanihan Musikahan ng OPM singers na pinangangssiwaan ng National Artist for Music na si Ryan Cayabyab.
Kaya siya ‘di makasali sa mga nabanggit na proyekto ay dahil hindi siya sa Metro Manila naninirahan, at hindi rin naman sa mga katabing probinsiya.
Sa malayong bayan ng Calauag, Quezon province nakatira si Mars, ang misis n’ya at nag-iisang anak.
Mahirap sigurong i-coordinate ang mga connection at camera sa Calauag at Metro Manila. Pero Marso pa lang ay nagsasagawa na ang champion singer na may dalawang boses ng sarili n’yang pagtulong sa mga kababayan ng misis n’yang si Joane na siyang taga-Calauag.
Sa You Tube vlog n’ya noong March 28, pinasalamatan ni Mars ang mga sumusuporta sa kanya mula sa panahon ng Pilipinas Got Talent hanggang sa pagsali n’ya sa America’s Got Talent, pati na ang mga tumulong sa charity event n’ya.
Pahayag n’ya, “It is not easy to go around but the smile on their faces is more than enough. Corona Virus has just shut down everything, except for the Glory, Power, and Love of God.”
Naglahad din siya ng tatlong kahilingan sa madla. Aniya: “First, I would like to ask everyone to please PRAY.. it is in this time that we really need to be one with our dear Lord for He is the one who can protect us…
“Second, I am requesting everyone to please STAY HOME.. please do not roam around and avoid acts that would compromise the spread of the virus. Keeping distance is now an act of care for everyone…
“Third, it is the time for us to help one another especially for those in need. So I am asking your good heart if you have been blessed more than you need for right now.. please let me be your way to help those who are needy.. rest assured that your donation will be distributed to those who are in most need…”
Bago n’ya ginawa ang vlog na ‘yon, siya at ang kanyang misis ay makapaglingkod na sa Calauag at namahagi ng relief goods na rice, noodles, sardines, coffee, sugar, at gatas sa mga pamilya ng market vendors, street vendors, senior citizens, tricycle drivers, construction workers, at iba pa.
Noong April 7, humiling siya ng donasyon sa pamamagitan naman ng Facebook n’ya. Siya at ang anak n’yang babae na four years old pa lang ay nag-duet ng ilang kanta. MJ ang palayaw ng bata na ang tunay na pangalan ay Marcella Janiah. Nakisali ang paslit sa pag-awit ni Mars ng Heal The World na pinasikat ni Michael Jackson.
Inawit din ng mag-ama ang Hallelujah ng Canadian singer na si Leonard Cohen at inawit naman ni John Cale sa animation film na Shrek.
Kinanta ni Mars mag-isa sa dalawa n’yang tinig ang I Believe In You nina Celine Dion at Il Divo. Mag-isa rin n’yang inawit ang Pusong Ligaw na pinasikat ni Jericho Rosales.
Dahil kilala na rin si Mars sa labas ng bansa, may mga nag-donate online ng dollars. Ang paglikom ay ginawa sa pamamagitan ng fundraising website na GAVA GIVES. Noong araw mismo ng live concert ay nakalikom sila ng $2,163 out of the target amount of $5,000.
Noong April 20 ay namahagi uli ng relief goods ang mag-asawa, pati na face masks, protection shield, at iba pang gamit na pangkalusugan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas