Sunday , November 17 2024

Iisang Dagat inalipusta, Imelda nakatanggap ng sanlaksang lait

BUTI na lang may quarantine ngayon at ‘di kailangang lumabas ng bahay at humara-hara sa kalye ang dating Juke Box Queen na si Imelda Papin.

 

Kung makita siya ng maraming tao, baka i-boo siya nang walang patumangga dahil sa pagsali n’ya sa pagkanta sa promo recording na  Iisang Dagat–promo ng Chinese Embassy tungkol sa umano’y pagtutulungan ng Pilipinas at China kaugnay sa pagsugpo ng Covid-19.

 

Ipinost ng Chinese embassy ang video ng awit sa You Tube channel mismo ng embahada noong April 24. Sa loob lang ng ilang oras ay umani kaagad ng 73, 000 dislikes at 792 likes ang video.

 

May hiwalay na Chinatown You Tube channel at ipinost din doon ang video. Pagkalipas ng ilang araw ay nakatanggap ito ng 100,000 dislikes.

 

Bihira ang video sa You Tube na pinag-aaksayahan ng panahon ng madla na i-dislike. ‘Pag ayaw ng mga tao ang isang video, parang ni ayaw nilang ipabatid sa mundo na nag-aksaya sila ng panahon sa video na ‘yon.

 

Obvious na matindi ang pagkainis ng netizens sa Iisang Dagat na komposisyon ng Chinese ambassador sa Pilipinas.

 

Ang iba pang umawit sa video na nasa wikang Filipino at Ingles ay sina Chinese diplomat Xia Wenxin, Chinese-Filipino singer Jhonvid Bangayan, at Chinese actor Yu Bin. Maaaring kilala sa Filipino-Chinese communities sa bansa ang mga nabanggit na umawit sa video, pero walang dudang sa buong Pilipinas, si Imelda ang pinakasikat sa kanilang lahat. Maaaring ang Gen Z generation lang ng mga kabataan ngayon ang bahagya lang nakakikilala kay Imelda na sumikat nang todo noong Dekada 70 at 80 bilang Jukebox Queen dahil sa mga kanta n’ya tungkol sa mga nasiphayong pag-ibig, mga lalaking taksil, at mga babaeng nagdurusa sa kataksilan ng mga lalaki nila. May pahikbi-hikbi pa siya kung kumanta.

 

At dahil si Imelda ang pinakasikat sa video na ‘yon, siya rin ang kinulapulan ng napakaraming panlalait.

 

Lumabas ang Iisang Dagat sa panahong laman ng balita ang “pananakop” ng Tsina sa West Philippine Sea at sa mga islang naroon na matagal nang itinuturing na bahagi ng Pilipinas.

 

Lumabas ang umano’y himno (hymn) ng pagkakaisa ng Pilipinas at Tsina sa panahong laman ng mga balita ang mga depektibong produktong panlaban sa Covid-19 bagama’t wala namang ulat na kabilang doon ang mga naibenta at nai-donate sa Pilipinas.

 

Sinagot naman na ni Imelda ang mga namumuhi sa kanya sa pagsali n’ya sa Iisang Dagat.

 

Aniya, ‘di naman siya nagprisinta na makasali sa proyektong ‘yon. Inalok siya ng Chinese Embassy. At dahil nga tungkol sa pagkakaisa ‘yon ng dalawang bansa, walang pagdadalawang-isip n’ya itong tinanggap.

 

Wala silang pinag-usapang talent fee. At hindi naman siya humihingi ng bayad para sa pag-awit n’ya.

 

Wala naman siyang pahayag ng pagsisisi na sumali siya sa proyekto. Hindi rin siya nagpahayag ng pagkamuhi sa mga nanlalait sa kanya ngayon.

 

Samantala, itinanggi ng Universal Record na may kinalaman ang kompanya sa Iisang Dagat.

 

Sa lumabas na video ay may acknowledgement ang kumpanya para sa production at promotion ng kanta at ng video. Naglabas ang kompanya ng pahayag na wala itong kinalaman sa proyekto at wala silang pahintulot na ilagay ang pangalan ng kompanya sa credits ng video.

 

Ipinagtapat naman ng kompanya na inalok sila na masangkot sa promotion ng proyekto pero tumanggi sila.

 

Walang comment ng panghuhusga sa proyekto at sa produkto sa statement ng Universal Records. Walang tahasang hiling ang kompanya sa Chinese Embassy na tanggalin ang pangalan nito sa credits ng You Tube video.

 

Nagtapos ang statement sa isang payo na pangalagaan ng lahat ang kalusugan nila.

 

Vice Governor ng Camarines Sur si Imelda. Wala namang balita at posts sa social media na itinatatwa siya ng lalawigan at ng mga naghalal sa kanya.

 

Sa kasalukuyan, may 170k ng dislikes na ang awiting Iisang Dagat at 2.7k likes.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Ai Ai de las Alas Gerald Sibayan

Gerald pinakamabait sa naging asawa ni Ai Ai

HATAWANni Ed de Leon KUNG si Ai Ai delas Alas ay benggador, ang kailangan lang niyang gawin …

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *