BINATIKOS ni dating Health secretary at ngayo’y Rep. Janette Loreto-Garin ang Department of Health sa pagkaantala ng malawakang testing sa mga hinihinalang may COVID-19 na dapat umpisahan noong 14 Abril 2020.
Ayon kay Garin, noong 14 Abril pa dapat nagsagawa ng mass testing pero hindi ito nangyari.
“Tinitipid ba ng DOH ang pamimigay ng testing kits?” tanong ni Garin.
Aniya sa mass testing, kaakibat ng enhanced contact tracing ang mas maluwag na pagbibigay ng testing kits at pagsasagawa ng mga tests sa mga tao.
Paliwanag niya, hindi puwedeng marami ang nahanap na contact ng isang positive na pasyente ngunit pagpipilian lang natin sino sa kanila ang ite-test.
Dapat lahat ng contacts, maipa-test natin dahil maaaring mild lang ang ibang kaso ngunit makahahawa pa rin.
“Local government units are doing their part and much more to fight this pandemic. LGUs are even aggressively helping in contact tracing. Ngunit kapag ipate-test na sila, ang sagot ng DOH palagi ay, ‘Kulang testing kits. Dapat magtipid.’ There is a big difference between ‘pagtitipid’ and being efficient,” giit ni Garin.
“Hindi tayo maaaring magtipid ng test kits at the expense of the health of our kababayans. Tandaan nating isang pandemic ang COVID-19 at hindi natin ito malalabanan kung hindi tayo efficient gumamit ng mga resources na mayroon tayo,” dagdag ni Garin.
Nananawagan si Garin sa pamunuan ng DOH na maglabas ng inventory ng lahat ng test kits sa bansa at kung ilang test ang puwedeng gawin sa bawat test kit.
Aniya ang Singapore ay nagkaloob ng 43,000 test kits; China 100,000 Sansure kits at 2,000 BGI kits; Jack Ma nag-donate ng 57,000 test kits; Brunei 20 units na maaaring mag-test ng 50 pasyente bawat isang test kit.
Hindi pa, umano, kasama rito ang mga binili o donasyon ng iba’t ibang organisasyon sa pamahalaan. Hindi rin kasama rito ang mga deretsong donasyon sa LGUs.
“Sa aking personal na pagkakaalam, ang isang Sansure test kit ay kayang mag-test ng 22 patients o samples ng mga pasyente. Test kits donated by Jack Ma can handle 96 samples,” aniya.
Sa tingin ni Garin, ang bawat test kit ay makakukuha ng 50 samples bawat isa.
“That means we have the capacity to do 9,923,000 tests already with 202,020 test kits. Ngunit ayon sa DOH COVID Tracker, we have only conducted 43,500 tests and we only have 99,750 remaining test kits. Hindi well accounted for o documented ang mga test kits,” ayon kay Garin.
Mula 14 Abril, may 16 testing laboratories na ang bansa na puwedeng gumawa ng mass testing.
“Contact tracing should be accompanied by a less restrictive algortithm on who to test. Our successful fight against COVID-19 depends on the DOH’s willingness to test more patients,” ani Garin. (GERRY BADLO)