PARANG nananahimik lang si Julia Barretto tungkol sa kung may personal project siya o wala kaugnay ng Covid-19.
Parang ang nai-publicize lang na involvement n’ya ay doon sa Pantawid ng Pag-ibig ng Kapamilya Network na patuloy pa rin namang tumatakbo hanggang ngayon.
Pero may personal fundraising project naman pala siya na may kinalaman sa kasalukuyang pandemic. Kasama n’ya sa proyektong ParaMayBukas ang ate n’yang si Dani at ang nakababatang kapatid na si Claudia.
Nakalikom na pala sila ng P651,952.22 para ipagpatayo ng emergency quarantine facility ang Fe del Mundo Medical Center sa Quezon City.
Pagbabalita ni Julia kamakailan sa Instagram n’ya: “Good news! Our fundraiser #ParaMayBukas has already reached its 600,000PHP goal but because of your generosity and support we ended our fundraiser with more— 651,952.22PHP!!!
“My sisters Dani, Claudia, and I want to thank everyone who took part in this mission. This was a success because of all your support and help. ♥️
“We will continue to post updates and progress. Again, thank you very much.”
Ibinalita rin n’yang nagsisimula nang i-establish ang nasabing facility.
Kapuna-punang tumigil na sa pagiging kontrobersiyal ang mga Barretto mula noong tumigil na ang parang magkakamping magkapatid na Gretchen at Claudine laban sa ina ni Julia na si Marjorie noong pumasok ang 2020.
Block Z, palabas na sa iWant
Samantala, sakaling ‘di n’yo pa alam, ang horror thriller movie na Block Z nina Julia at Joshua Garcia ay ipinalalabas na sa iWant streaming ng ABS-CBN. Sa halagang P30 lang ay mapapanood n’yo ang pelikula ng paulit-ulit sa loob ng pitong araw.
Ang Block Z ang huling pelikulang nagawa nina Julia at Joshua bago masangkot ang aktres sa isang umano’y lihim na relasyon kay Gerald Anderson bunga ng pagtatambal nila sa pelikulang Between Maybes na isinyuting nila sa Japan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas