HINDI ang buong tent donation project ni Angel Locsin ang ipinatitigil ng Department of Health (DOH) kundi ang pagpapatayo lang n’ya ng sanitation tent na tinatawag ding “misting tent” o “spraying tent.”
Pinapayagan pa rin ang grupo n’yang UniTENTWeStandPH na magtayo ng sleeping tents para sa frontliners.
Ipinost ng aktres ang paglilinaw na iyan kamakailan sa lahat ng kanyang social media accounts, kabilang na ang Instagram, Twitter, at Facebook. Kinailangan n’yang gawin ang paglilinaw dahil maraming nag-akala na ang buong proyekto n’ya ang ipinahinto.
Nitong Linggo (Abril 12) lang ay may isa pang mahalagang announcement ang aktres: Itinitigil na n’ya ang paglilikom ng pondo para sa proyekto dahil umabot na sa lagpas sa P10.9-M ang natanggap na cash donation para sa pagtatayo ng sleeping tents para sa frontliners.
Binigyang-diin n’yang ang fundraising ang tinapos na n’ya hindi ang proyekto.
Aniya sa video na ipinost n’ya sa Instagram: “Because of your overwhelming support, we are happy to announce that we have sufficiently funded the #UniTENTweStandPH campaign.
“With a full and grateful heart, we are now ending the fundraising and will no longer accept CASH donations through PayPal, Paymaya, or bank account.”
Umabot na sa 69 tents ang naipatayo ng grupo. Sa kalkulasyon nila ay hanggang 150 sleeping tents ang maipatatayo nila sa nalikom nilang pondo na P10,956,702.98. Ang bayad sa supplier ng tents, aniya, ay aabot sa P9,847,400.
Noong March 25 lang siya nagsimulang manghingi ng donasyon at kauna-unahang pagkakataon lang n’ya ginawa ang pang-aabalang ‘yon sa madla para sa civic and humanitarian project n’ya.
Nauna sa balita n’yang tapos na ang paghingi n’ya ng cash donations ay ang pag-a-announce n’ya na si Sharon Cuneta ay nagbigay ng P3-M.
Samantala ang dahilan kaya ipinatigil ng DOH ang paglalagay ng misting tent ay dahil sa, “There is no evidence to support that spraying of surfaces or large-scale misting of areas, indoor or outdoor with disinfecting agents, kills the virus.”
Kahit na sinunod naman ng grupo ni Angel ang instruksiyon sa kanila ng DOH, nilinaw n’ya sa nauna n’yang post na lisensyado ang supplier nila ng misting tents at may sertipikasyon ang supplier na safe ang chemicals na ibinubuga ng kanilang spraying machines.
Sa kabilang banda, inamin ni Angel sa iba pa n’yang posts sa social media na umiikli na ang pasensya n’ya sa mga basher na pumupuna sa mga kapwa n’ya artista na tumutulong sa pagpapabuti ng kapakanan ng frontliners at iba pang mamamayan na lubhang apektado ng extended community quarantine.
Ipinagtatanggol n’ya ang mga kapwa n’ya artista na inaakusahan ng ilang netizen na walang itinutulong sa frontliners o sa mga mamamayang ‘di nakakapaghanapbuhay dahil sa quarantine.
Isa sa mga inakusahan ay si Liza Soberano. Deretsahang sinagot siya ni Angel na may mga ipinadalang tulong ang batang aktres at ang nag-aakusa ang ‘di nakatutulong sa ginagawang pagbibintang.
Sa mga nag-aakusa kay Angel sinabi mismo nito na nagbago na siya dahil ipinapa-publicize na n’ya ang bawat lugar na natatayuan nila ng tents, inulit ni Angel ang paliwanag na kailangang ibalita n’ya ang magagawang UniTent para malaman ng mga nagbigay ng donasyon kung saan napupunta ang pera nila.
Sa mga nagdaang relief operations n’ya ay sariling pera n’ya ang ginamit n’ya kaya’t ni hindi n’ya ibinabalitang may ganoon siyang proyekto.
Sa ngayon, deretsahan na n’yang sinasabihan ang basher n’ya na nilalait siya sa mga sarili n’yang social media accounts dahil nakakaagaw ang mga iyon ng espasyo para sa mga post na may mahalagang mensahe na makatutulong sa proyektong UniTent.
Tahasan na n’yang sinasabihan ang bashers n’ya na itigil na nila ang pagiging negatibo sa napakasensitibo at napakakritikal na panahon sa buhay nating lahat.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas