HINDI pala mag-isa lang na namumuhay si Vice Ganda sa mansion n’ya sa kung-saan-man (bagama’t ang alam ng marami ay sa Quezon City siya naninirahan). Kapiling pa rin pala n’ya ang pamilya n’ya.
At isa sa mga kasama n’ya sa bahay ay ang kapatid n’yang doktora na nagtatrabaho sa isang ospital. Worried siya at awang-awa sa kapatid n’ya dahil tuwing nasa bahay pala ito ay kailangang naka-self quarantine.
Kamakailan, noong matapos si Vice makatanggap ng pagbati mula sa kanyang pamilya sa selebrasyon ng kanyang kaarawan sa It’s Showtime, naikuwento nito kung paano namumuhay ngayon ang kapatid niyang doktora.
Panimulang pagkukuwento ni Vice, “’Yung ate ko kasi, alam mo, ‘yun ang nagpapabigat sa akin every day. Kasi ‘yung ate ko ay doctor, she goes to the hospital every now and then. So exposed siya.
“Ang lungkot ng buhay niya kasi ospital, tapos kapag uuwi siya ng bahay hindi siya puwedeng lumabas ng kuwarto. Hindi niya nakakasalamuha ang nanay ko, hindi siya puwedeng tumabi sa nanay ko kasi ang nanay ko ay matanda na. So pagkagaling sa ospital, from sasakyan, diretso ng kuwarto, tapos dinadalhan lang siya ng pagkain.”
Patuloy n’ya, na ‘di na mapigilan ang emosyon, “Alam mo, nakakaawa (siya). ‘Yung pagkain n’ya, inaabot lang sa pinto. Kasi nga exposed siya.
“Every day, hinaharap namin ‘yung fear na baka, hindi ba? Kasi exposed nga siya sa danger. Kaya noong nakaraan nagte-text siya sa akin kasi natatakot siya, pero kailangan niyang gampanan ang trabaho niya bilang doktor. Siyempre kailangan ko maging malakas. Kasi sa pamilya namin, parang ako ‘yung panganay. Hindi ako puwedeng mahina, so kailangan malakas ako. Tinext ko lang siya ng isang linya. Sabi ko ‘Your faith must always be stronger than your fears.’ ‘Yun lang ang (tinext) ko.
“Hindi ako puwedeng magparamdam na natatakot ako para sa kanya, kasi baka lalo siyang matakot.”
Pero nananalig naman si Vice na matatapos din ang krisis na ito sa tulong ng Diyos. Proklama n’ya, “Ako talaga kapit na kapit ako sa paniniwala na maaayos ang lahat, mase-save tayong lahat. We have a God who saves and we have a God who will provide for everything that we need.”
Lahat po tayo ay kailangang manalig sa Kapangyarihan ng Diyos sa panahong ito. Mas mabuti ‘yon kaysa laging umangal na wala tayong natatanggap na relief goods mula sa gobyerno o sa mga artistang sikat na siguradong mas maraming cash kaysa atin.
Binibiyayaan din ng Diyos ang mga mapayapa at matiyagang naghihintay.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas