KAMAKAILAN ay nag-post sa kani-kanilang social media account ng pictures nila sina Angelica Panganiban, Sunshine Cruz, at KC Concepcion na naka-outfit na parang may mga lakad.
Of course, gaya rin nating karaniwang mamamayan, taumbahay din ang mga artista sa panahon ng enhanced community quarantine. Ni sa ordinaryong restoran, hindi tayo pwedeng pumunta. Ang mga artista man ay ganoon din.
Sa unang post ni Angelica, umaga pa lang, naka-long dress na siya na bagay na pang-party. May kaboses ni Ketchup Eusebio na bumati sa kanya ng “Good morning! May lakad ka?” paglabas n’ya ng pinto na presumably ay bedroom n’ya, o dressing-make-up room n’ya.
Sumagot si Angelica ng, “Oo, magluluto ako ng tilapia!” Tapos ay naghagikgikan sila.
Si Ketchup talaga ‘yung kausap n’ya. Baka magka-subdivision sila sa Pasig, kaya walang problemang nakarating ang comedian-actor sa bahay ng aktres. Si Ketchup ang nag-video kay Angelica.
Actually, may pangalawang post pa si Angelica na ipinakita na si Ketchup sa camera na nakaupo sa isang dining table na may naka-set up na dinner wares na pandalawang tao.
A-appear si Angelica na naka-sexy outfit na blazer and shorts, with matching derby hat pa. Magdi-dinner sila. Siyempre pa, naghagikgikan na naman sila.
Si Sunshine naman, very chic casual lang ang outfit sa ipinost n’yang picture. Mas magaan ang mood n’ya sa ganoong outfit kaysa nakaordinaryong pambahay lang.
Si KC ang halos regular na nagpo-‘post ng pics n’ya sa Instagram na madalas ay laging pangsosyalan ang kasuotan. Ang naging usap-usapan kamakailan ay ang outfit n’yang fuschia na Balenciaga yata.
Ang pakay n’ya sa post na ‘yon ay para mag-tribute sa mga frontliner sa mga ospital na masasabing halos buwis-buhay dahil sa kamandag ng corona virus.
Plunging neckline ang outfit na ‘yon at tuwing kumikilos siya ay lumalabas ang kalahati ng dibdib n’ya. Mas pinag-usapan ang outfit n’ya kaysa frontliners.
Okey lang talaga na kahit sa bahay lang ay bonggang-bongga ang outfit. Alam n’yo bang sa mga prosperity seminar, itinuturo na ‘di dapat maging losyang ang hitsura ng tao any time of the day kung gusto n’yang maging prosperous. At okey lang na laging magpalitrato na mukhang sosyal na sosyal, malusog, at masaya.
Hindi naman kailangang i-post ang mga litrato sa social media. Pwede namang sa personal gallery lang ng mobile phone idispley ang mga litrato para ma-admire n’yo ang inyong sarili.
Ayon sa mga health and prosperity teachers, ang isang major requirement para maging permanently prosperous and healthy ay self-admiration and self-approval.
Kaya sige na, pumorma na tayo nang pumorma para maging prosperous and healthy. Hindi tayo kailangang maging mukhang artista para magkaroon ng karapatang maging napakaposteryoso kahit nasa bahay lang tayo ngayong panahon ng enhanced community quarantine.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas