“HINDI kami pinalaki ng mommy ko na ikino-compare ang sarili sa iba,” mistulang pagsusuma ni LA (Lawrence Anthony) Mumar kung paano sila dinisiplina ni Coney Reyes, ang butihing ina nila nina Vico Sotto at Carla Mumar.
Ang pamosong basketbolistang si Larry Mumar ang ama nina LA at Carla. Siguradong alam n’yo nang si Vic Sotto ang ama ni Vico.
Sampung taon ang tanda ni LA kay Vico kaya mas una siyang nakilala ng madla kaysa kay Vico. Naging miyembro ng Blue Eagles basketball team noong high school at noong college sa Ateneo de Manila University si LA. Development Studies ang tinapos n’ya sa college.
Nanatili sa piling ni Coney ang mga anak n’ya kay Larry noong naghiwalay sila noong 1986.
“Naku, ‘di pwede ang mayabang kay Mommy, kahit si Vico, mababatukan ka,” paggunita ni LA sa isang interbyu kamakailan sa kanya ng sports website na Spin.ph..
“Si dad naman, we were close and he used to watch my games, but never n’ya ako pinagalitan. Kung manood ‘yon, nasa taas lang, cool lang,” banggit naman ni LA tungkol sa kanyang ama na yumao noong 2001.
Naging Born Again Christian si Coney noong 1990 at naimpluwensiyahan n’ya si LA na mag-Born Again din. Ilang taon pagka-graduate ng college, naging pastor si LA sa Victory Fellowship na napagdalhan sa kanya ng kanyang ina.
Actually, si Vico man ay naging basketball player din noong high school sa Brent International School.
“Shooter siya (si Vico)!” pagmamalaki ni LA sa baby brother n’ya. May tournaments na sinalihan ang high school team ni Vico na umaabot sa 40 hanggang 50 points ang shooting score ni Vico.
High school pa lang si Vico ay halos six footer na balik-tanaw uli ni LA na hanggang 5′ 8″ lang ang itinangkad.
Pero noong college sa Ateneo ‘di na nag-aspire maging varsity player si Vico. Mas naging active siya sa co-curricular at extra-curricular activities na may kinalaman sa lipunan at sa pangangasiwa sa bayan at mamamayan.
“He knew at an early age what he wanted to do, [and] it wasn’t basketball,” ani LA. “Unlike me na ang target ko is to play in the UAAP, [si Vico] hindi s’ya ganoon.”
“From the start, his passion was really governance and public service,” pagbibigay-diin ng Kuya.
Alam ni Coney na matindi ang impluwensya n’ya kay Vico. Pagtatapat n’ya tungkol sa anak, “He had the heart for the poor, kahit noong bata pa siya. At ‘yung sa tama palagi ang gusto niyang gawin. Kasi kahit ako, kapag mayroon akong ginawang hindi maganda, talagang kino-correct n’ya ako.
“So I thank God for allowing me to discipline my son even as a young boy.”
Ganito naman kung ilarawan ni LA, ang sarili, “I am a person who always prefer to focus on the good. I know na alam ko at ng lolo ko. Ang tatay ko, 10 years sa PBA, three years sa MICAA. Ako, hanggang UAAP lang. But I always focus on the positive.
“Like ‘pag naririnig ko ang legacy ng family ko, thank you. Yes, anak ako ng tatay ko. And now with Vico, I’m very proud of him. Hindi kami pinalaki ng mommy ko na ikino-compare ang sarili sa iba.”
Samantala, si Carla ay founder ng isang consultancy firm para sa human resources development.
Sa kabilang banda, iniri-replay ngayong lockdown dahil sa corona virus ang seryeng 100 Days to Heaven na nagtatampok kay Coney.
Bago nagsimula ang pagtigil ng taping ng mga TV series dito sa atin, si Coney ay isa rin sa mga pangunahing bituin ng seryeng Love of My Life. Ganyan katindi at katibay din naman ang kasikatan at husay ni Coney bilang aktres.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas