HINDI naman pala sa bahay nila ng misis n’yang si Sandy Andolong sa Paranaque nagpa-quarantine si Christopher de Leon pagkatapos siyang ma-test na positibo sa coronavirus kamakailan.
Nagpaospital naman pala siya para masuri at magamot siya nang husto.
At ayon kay Sandy, nakatakdang pauwiin ang mister n’yang kung tawagin n’ya ay “Bo” (mula sa kinagisnan na sa showbiz na palayaw ng aktor na “Boyet”).
“Kahit na kailangan pa rin n’yang uminom ng mga gamot, pinapayagan na siyang sa bahay na lang lubusang magpagaling. Malakas naman kasi si Bo, eh,” pahayag ni Sandy sa ilang showbiz reporters.
Ayon sa Wikipedia, 63 years old na ang aktor. Kumbaga ay nasa tinatawag na “high risk” category na ang edad n’ya. Siguradong nakabuti sa kanya ang magpa-test at magpaospital kahit na malusog at malakas naman ang hitsura n’ya.
Iniwasan n’ya ang posibilidad na mahawa si Sandy, ang ang anak nilang si Micah at ang kasambahay nila. Minabuti rin n’yang mag-self quarantine ‘yung tatlo sa bahay para makasigurong ‘di sila makapanhawa sakaling ma-test silang positibo.
Habang isinusulat ito, ‘di pa lumalabas ang resulta ng tests nina Sandy, Micah, at ng kasambahay.
“Mas malakas pa ako sa kalabaw!” bulalas ng aktres sa isang reporter na nakausap n’ya sa telepono.
Ayon sa manager ng mag-asawa, nagpa-kidney transplant ang aktres (Sandy) kamakailan. Pero malusog na malusog naman siya ngayon kaya’t ‘di siya dapat alalahanin.
Samantala, walang napapabalitang may nagpositibo sa mga nakatrabaho o nakahalubilo ni Boyet noong huling dalawang linggo ng taping nila ng seryeng Love Thy Woman. Ito ay ayon sa ABS-CBN, producer ng serye.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas