Sunday , November 17 2024

Ellen Adarna, nagtiyagang magdusa sa mental training course sa Indonesia

IBINANDO ni Ellen Adarna sa kanyang Instagram na nag-“mental training” siya sa Bali, Indonesia sa loob ng 14 araw kamakailan. At kinakailangan n’yang gawin ‘yon  dahil, “I was stuck in this black hole for almost 3 years.” 

Ang ibig sabihin ng “black hole” na ‘yon sa personal n’yang buhay ay walang nagawa para sa kanya ang mga gamot na anti-depressant na iniinom n’ya sa loob ng tatlong taon.

Negatibo umano ang epekto sa kanya ng mga gamot na ‘yon. Naging manhid (“numb” sa Ingles) siya at ‘di-makakilos (“immobile”). Bukod pa roon, humina rin ang kanyang pag-iisip (“weakest mentally”) at pandama (“emotionally).

Ang huling isa’t kalahating taon ng pinatutungkulan n’yang “three years” ay ginugol ni Ellen sa pakikipag-boyfriend kay John Lloyd Cruz, na tumuloy  sa pagli-live-in nila, pagdadalantao ng aktres, at pagkakaroon nila ng isang anak na lalaki.

Sa loob ng isa’t kalahating taon na ‘yon ay nagpapalipat-lipat sila ng tirahan sa Maynila at Cebu City na kinaroroonan ng pamilya ni Ellen na may mga negosyo roon na kinabibilangan ng mga motel.

Sa loob ng isa’t kalahating taon na ‘yon ay nakarating sila ni John Lloyd sa ibang bansa, kabilang na ang Japan at ilang bansa sa Europe.

Bago nakipag-relasyon si Ellen kay John Lloyd, pareho silang may reputasyon na mahilig uminom ng alak. Posible ngang kaya sila madaling nagkasundo matapos ang ilang buwan lang ng pagkikilala bilang miyembro ng cast ng Home Sweetie Home ng Kapamilya Network ay ang pagkahilig nila sa alak.

Bago nakarelasyon ni Ellen si John Lloyd ay ang daming nai-post na litrato ni Ellen na lango siya, kabilang na ang ilang events ng Kapamilya Network.

Hindi malinaw kung nagpakasal sina Ellen at John Lloyd sa simbahan, o sa huwes, o sa ritwal ng mga Born Again Christian. Parang hindi sila ikinasal sa anumang legal na paraan.

Inilihim nila ang panganganak ni Ellen at pagpapabinyag sa anak nilang si Elias Modesto.

Ayon mismo kay Ellen, ang isang naging epekto sa kanya ng mental training ay nakadama siya ng “freedom” (kalayaan). Bulalas n’ya sa isang Instagram post n’ya pagkatapos ng “mental training” n’ya: “I can finally say after years of struggling, I am no longer a prisoner in my own mind. Ahhhh freedom, we meet again.”

Totoo naman na sa isipan lang n’ya siya naging bilanggo. Sa puntong legal, kailanman ay ‘di nawalan ng kalayaan si Ellen–dahil wala naman silang naging binding legal relationship ni John Lloyd.

Bago ang Kapaskuhan noong 2019, napabalitang hiwalay na sina John Lloyd at Ellen. Hindi na sila magkasamang nagdiwang ng Pasko at Bagong Taon.

Gayunman ay parang nanatili naman sila ni John Lloyd na magkaibigan alang-alang sa anak. Kay Ellen naiwan ang paslit pero nakukuha naman ng aktor ang bata. May mga post sa social media na litrato na magkasama ang mag-ama na silang dalawa lang. Naisama pa nga ni John Lloyd si Elias Modesto sa Japan noong dumalo siya sa kasal ng kaibigan n’yang si Vhong Navarro roon.

Ang isang layunin ng “mental training course” na ‘yon ay para harapin ni Ellen ang “inner demons” n’ya at palayain ang mga ‘yon.

Sa serye ng Instagram posts n’ya, wala siyang binanggit ni isa man na “inner demon” n’ya. Ni ang pagkahumaling n’ya sa alak noon ay di n’ya binanggit.

Bagama’t “mental training” ang tawag sa ginawa n’ya sa Indonesia, panay mga physical na pagsubok ang ipinakita sa mga video na ang nag-utos na gawin ay mismong ang trainor n’ya na isang lalaki.

Kabilang sa mga pinagdaanan n’ya ay ang pagtayo ng limang oras sa loob ng isang iginuhit na bilog, pagbabalot sa kanya sa plastic hanggang sa dibdib at wala siyang naikikilos habang nakahiga ng tatlong oras kundi ang mga paa lang niya, ulo, at leeg.

Pinatayo rin siya sa isang pirasong kahoy na kasya lang ang mga paa n’yang nakamedyas lang, habang nakapiring ang mga mata n’ya, at nakatali ang mga kamay n’ya. Kailangang balansehin n’ya ang tayo n’ya sa kahoy at huwag n’yang maibaba sa sahig alinman sa mga paa n’ya, at huwag siyang mahulog dahil may mga pako sa sahig.

Pinaggupit din siya ng bermuda grass na pinaipon sa kanya, at pagkatapos ay ipinaayos sa kanya “harmoniously” sa isang tray.

May isa pang outdoor exercise na ipinagawa sa kanya: tumalon-talon siya ng isang kilometro sa daan habang nakatali ang mga binti.

Baka may iba pang pagsubok siyang dinaanan na hindi n’ya isinama sa ipinost n’yang video. Wala ring paliwanag si Ellen kung ano ang layon ng bawat aktibidad na ipinagawa sa kanya.

Pero pwede nating isipin na “mental training” nga ang mga iyon sa punto ng ‘di-pagsuko sa gitna ng mga pisikal na gawain na kabagot-bagot at parang parusa. Nasa isip ang pagpapasya sa hindi pagsuko ano pa man ang pinagdaraanan.

Alam namin na may mga tao na ‘pag pinatayo ng limang oras, ibinalot sa plastic ng tatlong oras, hindi sila mag-i-struggle, ‘di magdurusa–at sa halip ay mananatiling payapa dahil iisipin nilang likas na kondisyon ang dinaranas nila, o kaya ay mag-iisip sila ng mga bagay na walang kinalaman sa dinaranas nilang pisikal.

Sa video ni Ellen, mukhang dusang-dusa siya at pinagtiisan lang n’ya ang lahat. Pwede na ring sabihing mental technique ‘yon.

Ipinagmalaki nga pala ni Ellen na sa 14 na araw ng training n’ya, pawang vegetarian food ang kinain n’ya, at nanatili siyang tahimik, walang kausap, sa loob ng 14 na araw na ‘yon.

Nagbago na rin siguro ang personalidad ng inactive actress. Pero kailangan pa rin n’yang baguhin ang bokabularyo n’ya. Kapag nabasa n’yo ang captions ng video, marami pa ring salita roon na nagsisimula sa “f.” Yung iba ay ginawa n’yang “freaking” na uso rin naman sa mga Kano at nagpapanggap na Kano.

Ang Instagram ni Ellen ay @maria.elena.adarna. Mapapanood n’yo ang video sa klasipikasyong “mentaltraining” sa pahina n’ya. Binigyan nga pala siya ng certificate na nagtapos siya ng “mental training course” na ‘yon sa Bali, Indonesia.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Ai Ai de las Alas Gerald Sibayan

Gerald pinakamabait sa naging asawa ni Ai Ai

HATAWANni Ed de Leon KUNG si Ai Ai delas Alas ay benggador, ang kailangan lang niyang gawin …

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *