MABUTI naman na sa panahon ng enhanced community quarantine, mukhang nagbati na ang mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion.
At masasabing sa butihing ina nagsimula ang pagbabati nila. Isang araw kamakailan ay biglang nag-post sa Instagram n’ya ang megastar tungkol sa pagkakaroon ni KC ng You Tube channel. Ni hindi binanggit ni Sharon ang pangalan ng anak n’ya sa nasabing post. Aniya lang ay: ” Baby#1 has a new YouTube channel. Hope you can all support her.”
Nakarating kay KC ang post ng mama n’ya. Kahit naman pala may iringan silang mag-ina, ‘di nila ina-unfriend ang isa’t isa.
At, siyempre pa, alam naman ni KC na siya ang “Baby#1” ng kanyang ina bilang panganay nitong anak. Alam din n’yang siya lang sa mga anak ng nanay n’ya ang may You Tube channel (na ang pangalan ay “The KC Diaries”).
Nag-reply si KC sa mismong post ng nanay n’ya. Ang simpleng sagot n’ya ay: “Thank you, Mama.”
Nag-react naman si Sharon in a very touching way. Aniya: ”
You are welcome. I love you no matter what. That will never change.”
Makawasak-dibdib na reply naman ng anak: “I love you too, Mama, no matter what.”
At ang ibig sabihin nga ng lahat ng iyan ay bukas na uli ang mga puso nila sa isa’t isa, at iwinaksi na nila ang iringan na nagsimula noong magba-Bagong Taon, 2020, nang ‘di dumalo si KC sa media noche ng pamilya.
Sinundan pa ‘yon ng ‘di rin n’ya pagpapakita sa birthday celebration ng kanyang ina sa ASAP Ko ‘To ng ABS-CBN.
Parang mas lumala pa hidwaan nila noong mag-post si KC ng tungkol sa pakikipagkita n’ya sa kanyang ama na si Gabby Concepcion.
KC, halatang malungkot
Ngayong parang handa nang mag-usap o magkita ang mag-ina, pwede sigurong lumipat muna si KC sa kung saan man nakatira sina Sharon at Sen. Kiko Pangilinan at ang dalawa nilang anak na si Miel at ang adopted son nila (nasa US ang panganay nilang si Frankie na roon nag-aaral ng college). Matagal nang namumuhay mag-isa si KC, at malamang ay sa isang sosyal na condominium sa kung saan nakatira. Roon siya inabot ng pagsisimula ng community quarantine.
At noong nagsimula ang community quarantine, nagsimula rin siyang mag-post sa Instagram n’ya ng mga saloobin tungkol sa pamumuhay mag-isa sa panahong ‘di pwedeng lumabas ng bahay at mag-enjoy sa kung saan-saan. Sa tono ng mga post n’ya, halatang malungkot ang panganay ng megastar.
Suwerte ngayon ng mga may pribadong sasakyan, dahil pwede silang makabiyahe sa loob man lang ng syudad nila. Pwedeng ipasundo si KC ng stepfather n’yang si Sen. Kiko—kung gusto n’yang pumisan muna sa pamilya n’ya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas