NAGPADALA ng sampung bus ang Department of Transportation (DOTr) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na magsisimula sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang magsilbing service vehicle ng health workers na apektado ng “enhanced community quarantine” o “total lockdown” sa buong Luzon.
Ayon Kay DOTr Assistant Secretary Mark de Leon, iba’t ibang ruta ng mga naturang bus na mag-iikot sa mga ospital para sumundo ng health workers na ihahatid sa kanilang mga tirahan.
Inilinaw ni De Leon, bahagi ito ng kanilang tungkulin sa ilalim ng “enhanced community quarantine” para sa frontliners sa Metro Manila.
Idaraan sa screening ang bawat susunduin ng bus para maiwasan ang ibang magpapanggap na health workers na sasakay sa bus na ipinadala ng DOTr para sa libreng sakay.
Ipapakita lamang sa mga security guard ng ospital ang mga ruta ng bus upang ipaalam sa health workers na maghahatid at susundo sa kanila.
Tatlong truck sakay ang Philippine Army at mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang kanilang magiging escort sa sampung bus na mag-iikot sa mga ospital.
(JAJA GARCIA)