NASABAT ang halos P4 milyong halaga ng ecstasy ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) sa CMEC warehouse sa Domestic Road sa Pasay City mula The Netherlands.
Idineklarang Gondolier Coffee (Arabica) mula sa nagngangalang Michael Kraats ng Tempelierhof 7 3544 Utrecht, The Netherlands.
Ayo kay PDEA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group commander Gerald Javier, napag-alaman ang laman ng parcel matapos idaan sa X-ray machine na nakasilid ang mahigit 2,000 2.203 pirasong ecstasy tablet na may street value na aabot sa P3,745,100 milyon ang halaga.
Kamakalawa ng hapon, dakong 5:00 pm nang hulihin ang isang lalaki na napag-utusan umano na kinilalang si Rex Andrade, isang Angkas driver ng Quezon City.
Sinabi ni Andrade, inutusan siya ng consignee na nagngangalang Lady Marielle Terrado, residente sa isang condominium sa Taft Ave., Bgy.709, Malate Maynila.
Hinintay ng mga tauhan ng PDEA ang tunay na may-ari ng parcel na nag-utos kay Andrade para kunin ang nasabing package na naglalaman ng ilegal na droga ngunit hindi lumutang.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act 2002 ang suspek. (JAJA GARCIA)