KAMAKAILAN ay napabalitang may isang fan na babae na tinangggihan ni Bela Padilla na makipag-selfie sa kanya sa isang grocery. Makatwiran namang tumanggi siya dahil noong araw na ‘yon ay mataas na ang bilang nang may Corona virus sa bansa.
Pinoprotektahan lang n’ya ang kanyang sarili pati na mismo ang fan na ‘yon.
Ngayon ay isang grupo naman ng mga tao ang gusto n’yang protektahan: ang mga sidewalk vendor na ‘di na nakapaghahanapbuhay dahil ipinagbabawal na ang pananatili sa kalye ng matagal. Lalo pang mababawasan ang mga tao sa mga lansangan ngayon dahil pati nga ang mga may hanapbuhay ay ineengganyo na ring huwag munang pumasok sa trabaho, o makipag-ayos sa mga employer nila na sa loob na lang muna ng bahay nila gagawin ang mga trabaho nila.
Noong Marso 15 ay nag-tweet si Bela ng pahayag n’ya tungkol sa mga sidewalk vendor at nagmistulang pagsusumamo n’ya para sa kanila.
Aniya: ”How do the taho, sampaguita, chips and basahan vendors we see on EDSA who probably sold close to nothing today eat tonight[?] And tomorrow? And the whole month? Is there anyone I can go to, to talk about this and hopefully help out?”
May mga tumugon naman sa kanya at nagmungkahi na pwede siyang lumikom ng pondo na maibabahagi sa mga sidewallk vendor sa Metro Manila na ‘di na makapaghanapbuhay.
Agad naman n’yang sinunod ang mungkahi: naglunsad siya ng proyektong paglilikom ng P1-M na ipamamahagi sa 16 syudad at bayan na sakop ng Metro Manila.
“I will personally see to it that the money we raise will go to the right people,” pangako n’ya.
Binansagan n’ya ang advocacy n’ya na Pagkain para sa Pinoy (Food for the Filipinos). Kahit na hindi n’ya nilinaw kung makikipag-ugnayan siya sa isang establisado nang non-governmental organization, nakalikom na siya, ayon sa mga ulat, ng mahigit sa P154,000.
Kahanga-hanga ang proyektong ito ni Bela. Sana ay suportahan ito ng madla at tuloy-tuloy na maging matagumpay. Suportahan din sana siya ng mga kapwa n’ya artista.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas