IPINATUPAD ang city-wide quarantine sa San Jose del Monte City, sa lalawigan ng Bulacan matapos kompirmahin ng Department of Health (DOH) ang ikalawang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Alinsunod ito sa ipinaiiral na Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution 11 Series of 2020.
Ayon sa City Health Office (CHO) ng SJDM, kasalukuyang naka-confine ang dalawang pasyente sa mga pagamutan sa National Capital Region (NCR).
Pagtitiyak din ng CHO, agad silang nakapagsagawa ng contact tracing sa mga indibiduwal na maaaring nakasalamuha ng mga pasyente at nakapaglunsad na sila ng disinfection sa mga naturang lugar.
Kasunod nito, nagpaalala si CSJDM Mayor Arthur Robes sa publiko na huwag mabahala, manatiling kalmado, at sumunod sa mga paalala ng pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte, City Health Office, at ng DOH.
(MICKA BAUTISTA)