SAFE naman si Kim Chiu, pati na ang driver at PA (production assistant) n’ya matapos ang mahiwagang pamamaril sa van na sinasakyan nila habang papunta sa taping ng serye n’yang Love Thy Woman kahapon (Miyerkoles) ng umaga, dakong 6:00 a.m..
Tulog si Kim sa mahabang upuan sa bandang likod ng itim na van habang nagbibiyahe sila. Nasa kanto na sila ng Katipunan Avenue at C. P. Garcia St. sa Diliman nang makarinig sila ng putukan sa bandang likod ng van. Nakahiga si Kim sa isa sa mga upuan, natutulog, pero nagising siya nang marinig ang mga putukan. Walong sunod-sunod na putok umano ang narinig n’ya at nabilang, ayon sa Instagram post n’ya pagkatapos ng insidente.
Sa paglaon ay nadiskubre nilang mismong ang likod ng van ni Kim ang pinagbabaril ng dalawang tao na sakay ng isang motorsiklo na nasa likuran nila. Agad namang tumalilis patungong Commonwealth Avenue ang motorsiklo pagkatapos nilang mamaril.
Ayon sa pahayag ng driver (Wilfredo Taperla) ni Kim sa ABS-CBN News, isang bala ang tumagos sa sandalan ng huling upuam sa likod ng van na possible sanang tumama kay Kim kung hindi nakahiga ang aktres na tumama ang bala sa sandalan.
Nakarating naman si Kim sa taping na ang lokasyon ay hindi binanggit sa ulat ng network.
Sa Instagram post ni Kim noong nahimasmasan na siya ay nagpasalamat siya kay Papa Jesus na pinroteksiyonan silang lahat na nasa loob ng van.
Pagkatapos ng taping ni Kim noong bandang hapon, dinamayan ang 29 year old actress ng mga big boss ng network at kinumusta. Nilapitan at kinausap siya ng ASAP Ko ‘To director Johnny “Mr. M” Manahan, Chairman Mark Lopez, Integrated News and Current Affairs head Ging Reyes, COO of Broadcast Cory Vidanes, at President and CEO Carlo Katigbak.
Maraming mga kapwa artista ni Kim, pati na fans ang nagpadala ng mga mensahe ng pagmamalasakit sa naranasan n’ya at papuri sa tatag ng loob n’ya.
Siguro naman ay ‘di matatakot si Kim na lumabas ng bahay, sumakay ng van, at magbiyahe pagkatapos ng bayolenteng pangyayari na ‘yon. “Traumatic fears” ang tawag sa ganoong reaksiyon na pwedeng mangyari ng ilang araw. Pero kung magtatagal ang mga epekto na ‘yon, at masasamahan ng physical reactions na panginginig tuwing makakikita ng dalawang lalaking nakamotorsiklo, kailangang kumonsulta siya sa Psychologist at iba pang espesyalista sa trauma.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas