BANGKAY na tumambad ang dalawang hinihinalang drug peddlers matapos manlaban sa mga inilatag na serye ng drug operations ng Bulacan police hanggang kahapon ng umaga, 5 Marso.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, acting provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang unang namatay sa drug sting sa lungsod ng Meycauayan na si Jay-Arthur Mateo alyas Kalbo, kabilang sa drug watchlist ng Meycauayan City Police Station (CPS), na nagpaputok sa undercover agent nang matunugan ang presensiya ng police officers sa ikinasang buybust operation sa Industrial St., Bgy. Iba, sa naturang lungsod, 1:00 am kahapon.
Nakompiska mula kay alyas Kalbo ang 14 plastic sachets ng shabu, isang kalibre .38 revolver, mga basyo at bala, gayondin ang buy bust money.
Sumunod na napaslang sa inilatag na drug sting ng mga tauhan ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang suspek na kinilalang si Alexie Bautista, alyas Labo, na unang nagpaputok sa mga operatiba nang maramdaman na ang katransaksiyon niya sa droga ay police poseur buyer sa Bgy. Pinacpinacan, sa bayan ng San Rafael, 3:20 am kahapon.
Nakompiska kay alyas Labo ang isang transparent plastic sachet ng shabu; isang .38 caliber revolver, mga bala, buy bust money, at isang skeletal single motorcycle na Yamaha MIO.
Gayondin, 25 drug suspects ang naaresto sa mga serye ng anti-illegal drugs operations na isinagawa ng pulisya mula sa mga bayan ng Bulakan, Pulilan, Norzagaray, at Obando; at mga lungsod ng Malolos, San Jose del Monte, at Meycauayan City.
(MICKA BAUTISTA)