ARESTADO ang tatlong lalaking magkakaangkas sa motorsiklo matapos pumalag sa isang police checkpoint sa lungsod ng Meycauayan, lalawigan ng Bulacan kahapon, 27 Pebrero.
Sa ulat mula sa Meycauayan City Police Station (CPS), kinilala ang mga suspek na sina John Patrick Ador, alyas Trick; Khertch Panzo, alyas Kurt; at isang 16-anyos na menor de-edad.
Nahaharap ang tatlong suspek ng mga kasong paglabag sa Article 151 (Resistance and disobedience to a person in authority or the agents of such person); RA 4136, RA 10054, at paglabag sa Section 11, Article II of RA 9165 na inamyendahan ng RA 10640.
Napag-alamang pinahinto ang mga suspek ng police officers na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Bgy. Bagbaguin, dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at labis na pasahero sa motorsiklo.
Imbes huminto, pumalag sa mga operatiba ang tatlong suspek at biglang tumakas patungo sa iba’t ibang direksiyon pero sa huli ay nadakip din sila.
Sa pagkapkap ng arresting officers, nabatid kaya nagtakbohan ang tatlong suspek ay may dala silang apat na plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na nasa isang berdeng lalagyan. (MICKA BAUTISTA)