MAY Pinoy singer na namang kikinang sa buong mundo kahit panandalian lang. O pwede ring matagalan.
At ‘yun ay dahil sa inimbita siya ni Ellen DeGeneres sa show n’ya na sikat sa buong mundo. Maaaring mas sikat pa nga kaysa America’s Got Talent (AGT) ni Simon Cowell.
Ang bagong singer na ‘yon na ‘di pa man din masasabing professional na ay si Carl Montecido. Nag-viral ang post ng isang netizen ng video ni Carl na kinakanta ang Too Good at Goodbyes ni Sam Smith sa isang appliance store na nagtitinda ng videoke.
Ni hindi alam ng nag-post na si Carl ay naging finalist sa The Clash Season 2 ng Kapuso Network.
Nakita ni Sam Smith ang video. Nag-react siya nang gulat na gulat, impressed na impressed.
“Who in the universe could this be?” comment ng Hollywood singer sa ilalim ng post ng video ni Carl.
“Ang tumawag sa ‘kin personally is the staff of Ellen. Tinawagan nila ko last week pa so probably mga Feb 8,” pahayag ni Carl sa GMANetwork.com.
“Noong simula pa lang mag-viral, may mga PM na sila sa ‘kin.”
Akala ni Carl noong una ay panloloko lang ‘yon, pero nakompirma n’ya sa paglaon na totoong mula sa isa sa staff ni Ellen ang tumawag.
“Nagustuhan daw ni Ellen, so masaya ‘ko kasi of all the people here in the Philippines, hindi ganoon kadali makapasok sa industry na ganyan, lalo na at international,” lahad n’ya sa phone interview.
Hindi binanggit sa report kung kailan aalis si Carl papuntang Amerika.
Ang sinabi n’ ya ay malamang na foreign songs ang kakantahin n’ya dahil nga international ang viewers ng show.
“Isa pa siguro sa mga paghahanda ko ay aaralin ko ang show, kung ano ba ‘yung mechanics doon, kung ano ang posibleng gagawin doon,” aniya.
Pero kung papayagan siya na siya mismo ang pumili ng kakantahin n’ya, ipinagtapat n’yang ang aawitin n’ya ay ang Too Good at Goodbyes ni Sam Smith dahil ‘yon ang nagbukas ng oportunidad na mapansin siya uli.
May ilang Pinoy singers na rin naman na nakakanta sa Ellen DeGeneres Show dahil sa mismong pangungumbida ng napakasikat na lesbian host-comedienne. Ang mga ito ay sina Jake Zyrus (noong babae pa ang hitsura n’ya bilang Charice Pempengco, Marcelito Pomoy, Rhap Salazar, Balang, at Arnel Pineda.
May isa o dalawang taon ding sikat sa US si Charice dahil pinamahalaan ni David Foster ang International career n’ya. Pero umuwi sa Pilipinas ang noon ay teenager pa lang na singer at nagtapat na trans-man siya.
Si Arnel ay vocalist pa rin ng international rock group na The Journey.
Si Pomoy ay naging finalist sa America’s Got Talent: The Champion. Hinangaan sa buong mundo ang dalawa n’yang boses na babae at lalaki. Posibleng magkaroon siya ng International career.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas