AT nagsimula na nga ang sagutan ng mga abogado! Abogado ni Nadine Lustre at abogado ng Viva Artists Agency (VAA), na bahagi ng higanteng Viva Entertainment Group (na kabilang ang Viva Films).
Sa pamamagitan ng legal group na Reyno Tiu Domingo & Santos, iginiit ng Viva Group noong Biyernes (January 31) na exclusive talent pa rin nila ang aktres na ex-girlfriend ng dati rin nilang exclusive talent na si James Reid.
Ang paggigiit na ‘yon ay sagot sa desisyon ni Nadine na tinatapos na n’ya ang kontrata n’ya sa Viva at siya na lang mismo ang magma- manage sa sarili. Ang Kapunan & Castillo Law Offices ang nag-announce ng pasya na ‘yon ni Nadine.
Bago ang legal announcement ng Viva, nag-isyu ito ng statement na idedemanda nila si Nadine sakaling tumanggap ito ng professional appearance o performance na ‘di dumaan sa VAA. Idinagdag pa ng statement na pati ang mga kukuha kay Nadine ay idedemanda nila.
Sumagot ang abogadang si Lorna Kapunan ng nabanggit na law office na handa silang harapin ang ano mang legal action ng Viva. Ipinahayag din ng abogada na “unconscionable, oppressive and illegal” ang kontrata ni Nadine sa VAA, bukod pa sa pagti-”take advantage” nito sa aktres.
Dagdag pa ng manananggol: “It’s about time that a David strikes out a Goliath that has taken advantage of young artists in the industry for the longest time.”1
Ipinabatid ng mga abogado ng Viva na hanggang 2029 pa ang kontrata ni Nadine sa kompanya. Pinasinungalingan din n’ya ang akusasyon ni Kapunan na ang Viva ay “taking advantage of its young artists through oppressive and illegal contracts.”
Giit pa ng mga abogada ng Viva: “This is not a David versus Goliath scenario as portrayed by Atty. Kapunan. This matter is about respect — respect for the law, respect for contractual commitments, and good faith in professional relationships.” the statement added.
Binigyang-diin din ng legal consultants ng Viva na ‘di pwedeng si Nadine lang ang magpasya na tapusin na ang kontrata n’ya.
Ipinadala ng mga abogado ng Viva kay Nadine ang mga ginawa nila para sa kanya.
Lahad ng mga abogado: “This required VIVA to invest their time, resources, and good will to hone Nadine’s talent and build her reputation. This included investing in workshops, training her talents, pairing her with an equally popular actor in a love team, producing movies and preparing her for roles that will showcase her skills as an actress, among others. As a result of VIVA’s efforts, Nadine is one of the most sought-after actresses in her generation,” VAA said.
Nilinaw din nila ang mga obligasyon ni Nadine sa kompanya. “On the other hand, Nadine as Viva’s exclusive talent is obligated to abide by the terms of her Agreement. This requires Nadine to appear in tapings, shows, and events; to perform roles in movies which she agreed to do; to coordinate with VIVA on projects and endorsements that would advance her career; among others.”
Ipinagdiinan din ng mga abogado na walang batayan ang akusasyon ni Kapunan na tine-take advantage ng Viva ang mga artista nito.
Nitong weekend, binanggit ni Nadine sa isang interbyu na gumagawa na siya ng album. ‘Di n’ya binanggit na para sa Careless ‘yon, ang kompanyang pag-aari ni James. Noong Disyembre pa pumirma ng kontrata si Nadine sa Careless. Napabalita sa media ang pagpirma na ‘yon ni Nadine ng kontrata pero ‘di nag-ingay ang Viva tungkol doon.
Pero kung maglalabas ng official publicity ang Careless na contract talent na nila si Nadine, malamang na may demandahan ng mangyayari.
Antabayanan natin ang sagot ni Kapunan sa mga abogada ng Viva.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas