HINDI makukulong ang singer-actress na si Yeng Constantino dahil lang sa warrant of arrest na ipinalabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Dapa, Surigao del Norte para sa cyber libel case na isinampa laban sa kanya ng isang doktora sa nasabing probinsiya.
Nakapagpiyansa (bail) na siya sa pamamagitan ng isang bigating abogada: si Atty. Joji Alonzo na kilalang-kilala rin bilang isang movie producer na malapit sa Kapamilya Network.
Noong Disyembre 12 pa ipinalabas ang warrant of arrest pero ‘di agad ito naipadala sa pulisya sa Metro Manila para maisakatuparan. Napag-alaman lang na may utos ng pagdakip kay Yeng dahil sa Instagram post noong unang Linggo ng Enero ng isang congressman sa Surigao del Norte tungkol dito. Nais ng congressman na isagawa na ang pag-aresto kay Yeng.
Si Dr. Esterlina Tan ang nagsampa ng kaso kay Yeng dahil sa You Tube blogs nito na mistulang nag-aakusa sa kanya na naging pabaya sa panggagamot sa mister ni Yeng na itinakbo n’ya sa Dapa Hospital dahil biglang nawalan ng memory si Yan Asuncion (mister ni Yeng), matapos mag-cliff diving sa isang isla sa Siargao noong Hulyo ng nakaraang taon. Hindi agad nagsampa ng demanda ang doktora.
Ang piyansa ni Yeng ay P30, 000.
Kahit ipinagpiyansa na siya ng law firm ni Atty. Alonso, hindi pa nakararating kay Yeng o sa abogada ang notice ng demanda. Kapag nakarating na ‘yon sa abogada, at saka pa lang siya makakapagkomento tungkol sa demanda.
Napag-alaman na ng Philippine Medical Association ang tungkol sa demanda at nagpahayag ito sa media kamakailan ng kahandaan para mamagitan sa doktora at sa singer-aktres. Hindi naman sinasabi ng PMA na ‘di na dapat ituloy ang demanda.
Kapapanalo lang ni Yeng bilang supporting actress sa nakaraang 2019 Metro Manila Film Festival. Napabalita rin na nakapag-holiday pa si Yeng at ang mister n’ya sa ibang bansa noong Kapaskuhan.
Napapanood si Yeng once a week sa It’s Showtime bilang isa sa mga hurado sa singing contest segment nito na Tawag ng Tanghalan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas